Babaing biktima ng shark attack, kinailangang tanggalin ang ngipin ng pating sa kanyang bungo!
ISANG 32-anyos na babae ang kailangang tanggalan ng ngipin ng pating sa kanyang bungo matapos maging biktima ng shark attack habang nagda-dive sa Adelaide, South Australia.
Nakilala ang biktima na si Bridgette O’Shannessy, isang environmental consultant. Naganap ang insidente noong Nobyembre 10 habang nasa Port Noarlunga si O’Shannessy kasama ang kanyang boyfriend na si Brian Gordon Roberts.
Nasa kalagitaan sila ng kanilang free diving session nang sagpangin sa mukha si O’Shannessy ng isang white pointer shark. Upang tumigil sa pag-atake, itinulak ni Roberts ang pating palayo. Para hindi maubusan ng dugo si O’Shannessy, diniinan ni Roberts ang mga sugat nito gamit ang kanyang mga kamay.
Isinugod si O’Shannessy sa Flinders Medical Centre at doon napag-alaman na nagtamo ito ng nerve damage at matinding injury sa mukha. Sa tindi ng nangyaring pag-atake kay O’Shannessy, may naiwang mga ngipin ng pating sa bungo nito na kailangang tanggalin sa pamamagitan ng maselang operasyon.
Ang white pointer shark o mas kilala sa tawag na great white shark ang tinaguriang “largest predatory fish” sa buong mundo. Matatagpuan sila sa halos lahat ng karagatan sa buong mundo maliban sa Antartica. Mayroon silang 300 ngipin at kayang makaamoy ng dugo sa layong limang kilometro. Nakilala ang mga pating na ito bilang nakakatakot na hayop at kontrabida sa horror movie na Jaws ni Steven Spielberg.
Sumailalim si O’Shannessy sa dalawang operasyon bago naging stable ang kalagayan. Sa kasalukuyan ay nasa ospital pa siya at nagpapagaling.
- Latest