NAKATANGGAP ng matinding pambabatikos ang isang food vlogger sa China matapos niyang ipakita sa kanyang vlog kung paano niya kinatay ang isang buwaya para gawing pagkain.
Ngayong pinagkakakitaan na ang paggawa ng mga video content sa mga social media websites, nakakalimot ang ilan na may limitasyon ang mga content na dapat ipakita sa publiko.
Tulad na lamang ng vlogger sa China na si Chu Niang Xiao He, na inuulan ng mga pambabatikos dahil sa kontrobersyal na video na pinost niya sa Chinese social media app na Douyin. Sa naturang video, ipinakita niya ang buong proseso kung paano niya kinatay ang isang buhay na buwaya.
Sa video, mapapanood si Chu na nililinis ang 90 kilogram na buwaya sa banyo ng kanyang tahanan. Upang mapag-usapan at makaakit nang maraming views, ipinakita niya sa video ang pagpatay sa buwaya. Ipinakita rin niya kung paano ito binalatan at tinanggalan ng lamanloob at mga buto. Pagkatapos ay niluto niya ito sa iba’t ibang klaseng putahe.
Maraming netizens ang nanawagan sa management ng Douyin na i-ban si Chu sa app dahil sa animal cruelty na ginawa nito. Imbis na humingi ng apology, dinepensahan ni Chu ang sarili at nagdahilan na ang buwaya ay binili niya mula sa isang alligator farm. Diumano, “artificially bred” daw ang buwaya at ang silbi nito sa buhay ay gawing leather bag kaya wala itong pinagkaiba sa kanyang ginawang pagkatay.
Lalong nagalit ang Chinese netizens sa kanyang statement kaya kinalampag na ng mga ito ang mga awtoridad. Ayon sa China’s Wildlife Protection Law, ang pagluluto ng alligator meat ay kinakailangan ng permit mula sa gobyerno. Ang mga Chinese alligators ay nabibilang sa Class 1 endangered species.
Sa kasalukuyan, tinanggal na sa Douyin ang kontrobersiyal na video at inaabangan ng marami kung anong parusa ang ipapataw ng gobyerno kay Chu.