Dear Attorney,
Ano po ba ang pagkakaiba ng separation pay sa back pay at final pay? Lagi ko po kasi silang naririnig at gusto ko sanang malaman kung alin ang mga matatanggap ko kapag ako ay nag-resign na sa trabaho. Maraming salamat po. —Reanne
Dear Reanne,
Magkakaiba ang separation pay at ang back pay o final pay.
Ang separation pay ay ang halagang maaring matatanggap ng isang manggagawa kung ang kanyang pagkatanggal sa trabaho ay dahil sa mga tinatawag na “authorized causes” tulad ng pagkalugi ng negosyo, kalabisan ng dami ng empleyado, o kakulangan ng trabaho para sa mga manggagawa.
Maaring makatanggap ng katumbas ng kalahati hanggang isang buwan na sahod kada taon ng naging serbisyo ang empleyado, depende sa dahilan ng kanyang pagkakatanggal.
Samantala, ang back pay at ang final pay ay maari at madalas napagpapalit dahil iisa lang naman ang tinutukoy nila. Ang back pay o ang final pay ay ang kabuuang halaga na dapat matanggap ng empleyado, matapos siyang mawalay sa serbisyo. Kabilang na rito ang sahod na hindi pa niya natatanggap matapos siyang mag-resign o matanggal sa trabaho at ang bahagi ng kanyang 13th month pay.
Sa sitwasyon mo kung saan ang pag-alis sa serbisyo ay boluntaryo sa pamamagitan ng pagre-resign, ang back pay o final pay lamang ang tanging matatanggap ng empleyado. Katulad ng naunang nabanggit, ang separation pay ay angkop lamang sa mga sitwasyon kung saan tinanggal ang empleyado bunsod ng mga authorized causes o iyong mga dahilang pinahihintulutan sa ilalim ng batas.