Noong nakaraang taon, number 7 ang Pilipinas sa pinakamasama at pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ). Una ang Somalia, sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Ngayong 2023, number 8 ang Pilipinas, umatras ng konti. Ganunman, walang pagbabago sapagkat wala pa ring nakikitang proteksiyon para sa mga mamamahayag at nagpapatuloy ang pagpatay. Mistulang manok na binabaril at hindi naman nahuhuli at napaparusahan ang mga killer at “utak”. Patuloy silang nakalalaya at walang nakaaalam kung madadakip pa.
Sa administrasyon ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., tatlong mamamahayag na ang pinapatay at hindi pa nalulutas hanggang ngayon. Uhaw pa sa hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Unang pinaslang ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental noong Set. 18, 2022. Pinagsasaksak siya habang patungo sa radio station. Ang ikalawa ay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Okt. 3, 2022 sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Ang ikatlo ay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro na pinagbabaril sa harap ng kanyang sari-sari store noong Mayo 31, 2023.
Ang pagpatay kina Blanco at Lapid ay wala pang malinaw na resulta hanggang sa kasalukuyan. Pawang may kaugnayan sa trabaho bilang mamamahayag ang nakikitang motibo sa pagpaslang sa kanila. May mga sinampahan na ng kaso sa Lapid murder at pinaghahanap na ng mga awtoridad.
May kaugnayan din sa pagiging mamamahayag ang pagpatay kay Bunduquin. Isa sa mga suspect ay namatay makaraang bungguin ng kotseng minamaneho ng anak ng biktima habang tumatakas sakay ng motorsiklo. Nakatakas ang gunman. Ayon sa report, sumuko na ito at iniuugnay ang isang police official sa Mindoro.
Ang pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay naganap noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpung mamamahayag ang pinatay na ang utak ay Ampatuan clan.
Sinabi ng Malacañang noong Hulyo 2022 na maglalatag ng mga bagong programa ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga mamamahayag. Pero hanggang ngayon, walang proteksiyon ang mga miyembro ng media at nangangamba sila na may mangyari habang tumutupad ng tungkulin. Nasa hukay ang kalahati ng kanilang katawan. Kahapon, isang broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental ang binaril habang nagla-live broadcast. Nakilala ang biktima na si Juan Jumalon, 57.