Isang grupo ng German tourists na bumisita sa Spain ang nakapagtala ng bagong world record matapos silang makaubos ng 1,254 baso ng beer sa loob ng tatlong oras.
Naganap ang world record attempt sa Playa de Palma sa Mallorca Island, isang lugar sa Spain na kilalang dinadayo ng mga mahilig sa alak at nightlife.
Sinimulan ng German tourists ang pag-inom ng 10:30 ng umaga at naubos nila ang 1,254 na baso ng beer ng 1:00 ng hapon.
Ayon sa organizer ng record attempt na si Kai Uwe Kahmann, hindi magkakakilala silang mga 55 na German tourists bago dumating sa Mallorca, Spain. Nagsimula lamang ito sa isang WhatsApp group chat ng mga German tourists. Doon ay nagkayayaan at nagkasundo silang 55 na magkita-kita sa isang beach pub para talunin ang previous world record na 1,111 baso ng beer na kapwa rin nila mga German ang nakapagtala.
Dagdag na kuwento ni Kahmann, naging maayos at organisado ang kanilang record attempt. Sa dalawang oras na kanilang pag-inom, umabot sa halos 22 baso ng beer ang nainom ng bawat kalahok. Ang lahat ng nainom ng mga German tourists ay nagkahalaga ng 2,380 euros. Ipinagmalaki ni Kahmann na wala sa kanilang 55 ang nakaranas ng hangover sa sumunod na araw.
Sa kasalukuyan, isinumite na nina Kahmann sa Guinness ang mga pruweba sa kanilang matagumpay na world record attempt at inaabangan na nilang matanggap ang kanilang certificate.