TAUN-TAON, may pa-beauty contest ang U.S. Bureau of Land Management (BLM) pero hindi ito para sa mga nagagandahang binibini kundi para ito sa mga paniki!
Tuwing Oktubre, nangangalap ang BLM ng mga isinumiteng litrato ng mga paniki mula sa iba’t ibang bahagi ng United States. Nagsisimula ang pageant ng October 24 kung saan ipu-post ng BLM sa kanilang official Facebook page ang litrato ng mga kandidatong paniki. Sa naturang social media website ay pagbobotohan ng publiko ang sa tingin nila ay pinakamagandang paniki. Ang botohan ay isinasara ng Oktubre 30 para ianunsyo ang nagwagi sa Oktubre 31, araw ng Halloween.
Sa taong ito, nagwagi ang paniking si William Shakesp-EAR, isang big-eared bat mula sa Oregon. Ang photographer na si Emma Busk ang kumuha ng litrato ni William habang nasa kuweba ito sa Butte Falls.
Natutuwa si Busk na mula sa kanilang lugar ang nagwaging paniki dahil sa tingin niya ay dapat pahalagahan ng mga kapwa niya taga Oregon ang mga paniki dahil nakakatulong ang mga ito na ubusin ang mga insekto tulad ng lamok at iba pang peste na nakasisira sa mga pananim sa bukid.
Ginaganap ang beauty contest kasabay ng International Bat Week. Naisipan ng BLM na gumawa ng ganitong klaseng patimpalak ng mga paniki para ipalaganap ang awareness sa publiko ang importansya ng mga paniki sa kalikasan.