EDITORYAL — Iboykot, produkto ng China
HINDI na katanggap-tanggap ang ginagawa ng China na mistulang hari na sa teritoryong sakop ng Pilipinas. Patuloy na binu-bully ng China Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas na maghahatid ng supply sa mga sundalong Pilipino na nasa BRP Sierra Madre. Kung noon, hinahabol, nili-laser at binobomba ng tubig ang barko ng Pinas, ngayon ay binabangga na. Gaya nang ginawa ng CCG noong Linggo ng umaga (Oktubre 22).
Binangga ng CCG ang resupply boat ng Armed Forces of the Philippines na Unaiza 2 sa Ayungin Shoal. Malapit na ang Unaiza sa Ayungin Shoal nang habulin at harangin ito ng CCG at banggain. Makaraan iyon, ang barko naman ng Philippine Coast Guard na nag-eeskort sa resupply boat ang binangga ng Chinese Maritime Militia Vessel. Sa kabila ng insidente, nagtagumpay pa rin ang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Makaraan iyon, nanindigan ang CCG na legal ang kanilang pagharang sa mga barko ng Pilipinas na umano’y nagdadala ng illegal construction materials sa BRP Sierra Madre na sakop ng kanilang teritoryo.
Tiyak na magpapatuloy pa ang mga mapanganib na ginagawa ng CCG sa mga barko ng Pilipinas at posibleng may masaktan na o mas malala pa. Malaki ang CCG kaysa barko ng Pilipinas at sa padalus-dalos na maniubra nito, tiyak na lulubog ang mas maliit na barko. Magsasawalang kibo na lang ba uli sa nangyari?
Ang nangyari noong Linggo ay panlimang beses nang panggigipit ng CCG. Una ay noong Agosto 5 kung saan binomba ng tubig ang PCG. Isang barko lang ang nakapaghatid ng supply sa Sierra Madre. Ang ikalawang insidente ay noong Agosto 22 na hinarang din ng CCG ang PCG pero nakalusot. Ang ikatlo ay noong Setyembre 5 kung saan nagkaroon ng habulan at ginitgit ng CCG at iba pang Chinese militia vessels ang mga barko ng PCG at ang supply ship. Tatlong oras nagkaroon ng habulan at muntik-muntikanang mabangga ng CCG ang PCG. Ang ikaapat ay noong ikatlong linggo ng Setyembre makaraang maglagay ng floating barriers o boya ang CCG sa Scarborough Shoal. Hinarang ang mga barko ng PCG habang nagsasagawa ng resupply mission.
Palalampasin pa ba uli ang ginawa ng China? Dapat nang magkaisa ang lahat ng Pilipino para labanan ang ginagawang pagyurak ng China sa ating soberenya. Harap-harapan nang pinupugayan ng dangal sa sariling teritoryo. Kailangan nang magpakita nang paglaban sa naghahari-hariang China.
Isa sa dapat gawin ay iboykot ang mga produkto ng China. Hindi man makaya ng Pinas na labanan sa pamamagitan ng armas ang sangganong China, sa pamamagitan ng pagboykot sa produkto nila, tiyak masasaktan sila. Ipagpatuloy naman ang resupply mission para ipakitang hindi nasisindak ang Pilipinas.
- Latest