ISANG babae sa Minnesota, U.S.A. ang nakapagtala ng bagong world record matapos siyang magbalanse ng mga espada sa kanyang katawan!
Natutunan ni Erin Hunter ang pagbabalanse ng espada noong 2004 dahil sa pag-aaral niya ng belly dancing. Matapos ang ilang taon na pagiging belly dancer, naging eksperto na rin siya sa sword balancing.
Naganap ang record breaking attempt ni Hunter sa Edina city kung saan napagtagumpayan niyang magbalanse ng 30 na mga espada sa kanyang binti sa loob ng isang minuto.
Pagkatapos nito ay pinarangalan siya ng Guinness ng certificate na nagsasabing siya ang pinakabagong world record holder sa titulong “Most Swords Balanced on the Body in One Minute”.
Ayon kay Hunter, pinaghandaan niya ito sa pamamagitan ng pagsasanay at pag-eensayo ilang araw sa isang linggo. Kasama niya sa training ang kanyang asawa na nagiging taga-timer kung gaano niya katagal nababalanse ang mga espada.
Inaalay ni Hunter ang kanyang Guinness title sa mga taong walang tiwala sa kanilang sarili at hinihikayat niya ang mga ito na subukan ang mga bagay na kinakatakutan nila.