HABANG may ginagawang infrastructure project, isang grupo ng mga construction crew sa Florida ang may nahukay na lumubog na barko!
Noong isang linggo, isinasagawa ng mga construction crew ng Florida Department of Transportation (FDOT) ang $42 million na halaga ng drainage improvement initiative sa downtown area ng St. Augustine City nang may mahukay sila na sinaunang barko na gawa sa kahoy.
Pansamantalang itinigil ang infrastructure project sa hinala na maaaring isang historical artifact ang natagpuan nilang barko. Dahil dito, kinontrata ng FDOT ang serbisyo ng archaeology firm na Southeastern Archaeological Research para tulungan silang ma-excavate at irecover ang barko.
Ayon sa archaeology firm, ang barkong natagpuan ay isang single-masted, shallow-draft sailboat na ginagamit sa pangingisda noong 19th century. Ang orihinal na sukat nito ay 28 feet ngunit 19 feet na lamang ang narekober na bahagi nito. Bukod sa barko, may iba pang artifacts na natagpuan sa loob ng barko tulad ng kerosene lamp, dalawang bao ng buko na ginamit bilang baso, leather shoes at barya mula sa 19th century.
Inabot ng limang araw ang pagrekober sa barko at namangha ang mga archaeology team na well-preserved ang ilang bahagi nito. May teorya ang mga archaeologist na lumubog ang barko habang nakadaong ito. Napag-alaman kasi na ang highway kung saan nahukay ang barko ay dating tabing dagat noong nakaraang dalawang daang taon. Sa kasalukuyan, wala pang malinaw na research kung ano ang pangalan at history ng barkong natagpuan.