Blue Zones: ‘Susi’ sa mahabang buhay?

Ibinahagi ni Jillian Wilson sa The Huffington Post ang hinggil sa isang pananaliksik sa tinatawag na Blue Zones na nagbibigay ng halimbawa kung paano mapapahaba ang buhay at manatiling malusog. Binanggit niya na, ayon kay Dr. Anant Vinjamoori, chief medical officer ng Modern Age na isang health clinic na nakatutok sa healthy aging, Blue Zones ang taguri sa ilang lugar sa mundo na ang mga naninirahan ay mahaba ang buhay at mas maganda ang kalusugan.

Ang salitang Blue Zones ay binuo ng journalist, explorer at National Geographic fellow na si Dan Buettner patungkol sa naturang mga lugar. Kabilang sa nasa Blue Zones ang Okinawa, Japan; Sardinia, Italy; Nicoya Peninsula, Costa Rica; Icaria, Greece; at Loma Linda, California. Maraming residente sa mga lugar na ito ang umaabot sa edad na 100 taong gulang, batay sa pananaliksik ni Buettner.

Pinapaalala naman ng preventive cardiologist na si Dr. Sadeer Al-Kindi ng Houston Methodist Hospital na  hindi kailangang tumira sa Blue Zones para manatiling  malusog at humaba ang buhay. Hindi naman ekslusibo sa mga lugar na ito ang magandang kaugalian sa malulusog na pamumuhay. Maraming lugar sa mundo aniya na may mga tao na napakahaba ng buhay at masaya at hindi ibig sabihin na, porke karaniwang mahaba ang buhay ng mga nasa Blue Zone, bawat tao rito ay tumatanda nang hanggang 100-anyos.

Lumalabas sa pananaliksik na ang mga nasa Blue Zones ay kumakain ng mas maraming gulay, prutas, lentis, beans at peanut. Sinabi ni Al-Kindi na ang pagkain ng mas maraming gulay ay malaki ang epekto sa pagpapababa ng cholesterol at alta presyon na nakababawas naman sa peligro sa mga sakit sa puso.  Iminumungkahi rin ang pag-iwas sa mga processed food at pagbabawas sa maaalat na pagkain.

Ang mga nakatira sa Blue Zones ay malakas ang relasyon sa kanilang pamilya, mga kaibigan at ibang tao sa kanilang komunidad at lumalahok sa iba’t ibang organisasyon. Lagi rin silang kumikilos at merong ginagawa araw-araw. Sa Italy halimbawa, madalas na naglalakad ang mga tao at bahagi na ng kanilang araw-araw na aktibidad ang paglalakad kahit merong pupuntahan o wala. Binabawasan din ng mga taga-Blue Zones ang mga nakaka-“stress” na bagay na nakasasama sa kalusugan ng kaisipan at katawan.

Nakatutulong din sa mahabang buhay ng mga tao sa Blue Zones ang pagkakaroon nila ng layunin sa buhay. Anuman ito, pagtulong sa kapwa, pangangalaga sa mga hayop, o pagkakaroon ng ethical life, naging mahalaga ito sa kanilang malusog na pamumuhay.

Iminumungkahi sa pananaliksik na, sa buong buhay nila, dinadala ng mga taga-Blue Zones ang kanilang mga layunin o hangarin. Nakikinabang dito ang kanilang kaisipan at emosyon. Ang pagkakaroon ng layunin sa buhay ay nakakatulong sa pagpapabawas ng chronic stress na masama sa kalusugan.

Ang mga malusog na pamumuhay ng mga taga-Blue Zones ay katugma rin sa resulta nang maraming pag-aaral kung paanong nakakapagpahaba ng buhay ang pagkakaroon ng healthy lifestyle.

Sinabi ni Al-Kindi na sa pagpapatagal ng buhay, hindi lang ito usapin ng haba ng buhay. Nais din nating magkaroon ng malusog na pamumuhay.  Hindi aniya nakakapagtaka na, kapag ang mga tao ay laging kumikilos at kumakain ng mas masusustansiyang pagkain tulad ng mga nasa Blue Zones, mababa ang antas sa sakit sa puso at kamatayan.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments