EDITORYAL - Jeepney ­modernization nararapat ipagpatuloy

HINDI nagtagumpay ang grupong Manibela sa isi­nagawang jeepney strike noong Lunes. Hindi naramdaman ng commuters ang strike sapagkat marami ring jeepney ang pumasada. Bukod dun may mga nakaantabay na sasakyan ang pamahalaan para sa commuters. Hindi rin naapektuhan ang mga estudyante sapagkat sinuspende ang klase ng mga paaralan sa Metro Manila.

Layunin ng grupong Manibela sa pag-i-strike na suspendihin ng gobyerno ang jeepney modernization na magtatapos sa Disyembre 31, 2023. Noon pang Marso 31, 2023 ang orihinal na deadline ng modernization pero ipinagpaliban sa Disyembre para makapaghanda ang jeepney operators sa ­modernisasyon. Ayon sa LTFRB, 60 porsiyento pa lamang ang nakakasunod sa modernization.

Noong nakaraang linggo, isang “whistle blower” ang lumantad at sinabing may nangyayaring korapsiyon sa LTFRB kaugnay sa pagbibigay ng prankisa at ruta. Ayon kay Jeff Tombado, humihingi ng P5 milyon si LTFRB chairman Teofilo Guadiz III sa operators. Si Tombado ay dating tauhan ni Guadiz. Itinanggi naman ni Guadiz ang akusasyon. Makalipas ang dalawang araw, binawi ni Tombado ang akusasyon at humingi ng tawad kay Guadiz. Sinuspende naman ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. si Guadiz.

Sinabi naman ni Senator Grace Poe, na dapat ipagpaliban ang jeepney modernization dahil sa sumingaw na katiwalian sa LTFRB. Hindi raw makatwiran na mawawalan ng ikabubuhay ang mga driver na maaapektuhan ng modernization. Dapat daw maim­bestigahan ang isiniwalat na katiwalian sa LTFRB. Kaawa-awa raw ang mga operator na napeperahan.

Bakit naman kailangang ipagpaliban ang pagpapatupad ng jeepney modernization dahil may lumutang na katiwalian. Maari namang imbestigahan ito pero ituloy ang planong modernisasyon na ilang ulit nang nauntol.

Para madaling makasunod o makatugon ang o­perators sa modernization, tulungan ang mga ito ng pamahalaan na makabili ng mga modernong jeepney na abot kaya ang halaga at madaling mababayaran. Kung maaari rin, panatilihin ang anyo ng mga jeepney na naging tatak na sa Pilipinas. Kung matutulungan ng pamahalaan na makabili ng modern jeepney ang mga operator, matutuloy ang modernization.

Subukang kunin ang serbisyo ng mga kilalang jeepney makers na gaya ng Sarao Motors, Francisco Motors, Malaguena Motors at iba pa. Maaring may maitulong sila para maisakatuparan ang modernization pero napanatili ang image ng traditional na jeepney.

Show comments