AYAN na nga, simula sa araw na ito (Okt. 19), aarangkada na ang kampanya para sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30.
Sampung araw tatagal ang kampanya na magtatapos sa Oktubre 28.
Kaya nga yung mga atat nang mangampanya, ito na ang araw na inyong pinakahihintay.
Siguradong umaga pa lang mistulang fiesta na sa inyu-inyong barangay. Pihadong maagang mag-iikot ang mga magkakapanalig na kandidato sa maliit na lugar ng barangay.
Siguradong may pagkakataong pa na magkakasalubong ang mga magkakalabang grupo dahil sa maliit na lugar lamang ang pagsasagawaan ng kampanya.
Mayroon palang 1,414,487 kandidato sa buong bansa ang tatakbo sa halalang ito, ayon sa Comelec.
Nasa 96,962 na kumakandidato para sa pagka-barangay captain; 731,682 para sa miyembro ng Sangguniang Barangay; 92,774 ang aspirants para sa Sangguniang Kabataan chairman at 493,069 naman para sa SK council.
Nakatutok pa rin ang Comelec sa mga kandidatong lalabag sa election laws na posibleng maharap sa diskuwalipikasyon sakaling mapatunayan ang paglabag.
Aba’y sayang ang mga pinaghirapan kung sa isang panuntunan ay makitaan na hindi sumusunod.
Eto pa nga at bago nga ang kampanya, nagpaalala ang komisyon na bawal ang pamamahagi ng mga shirts, ballers, caps at iba pang bagay na may halaga.
Ang bawat kandidato ay pinapayagan lamang na gumastos ng P5 kada rehistradong botante.
Yung mga tarpaulin at iba pang campaign materials pwede nang ilagay pero kailangang angkop ang tamang sukat at sa tamang lugar.
Sana nga ay masunod ang lahat ng ito para sa kaayusan ng kampanya at halalan, pero higit sa lahat sana naman ay mapanatili ang kahinahunan at wala ng maganap na mga pagkakasakitan at karahasan.