Kung tutuusin, malakas na ang umiiral na Anti-hazing Law pero tila wala nang takot ang ilan at patuloy pa rin na nasasangkot sa ganitong marahas na gawain.
Pinakabagong biktima nito ang isang criminology student na ‘buwis-buhay’ na naman sa ganitong pananakit na gawa ng umano’y Tau Gamma Phi fraternity.
Ang biktima ay ang 25-anyos at graduating student ng PCCR na si Ahldryn Lery Chua Bravante, ng Imus , Cavite.
Apat na umano’y suspect sa insidente ang nasa custody na ng Quezon City police.
Umamin naman sila na sumailalim nga sa hazing ang biktima at sila ay miyembro ng nabanggit na frat group.
Matinding mga pasa ang tinamo nito sa kanyang katawan.
Gaya sa mga naitalang kaso na ng hazing lumilitaw sa cursory examination, nakitaan ang biktima ng hematoma sa magkabilang hita pinaniniwalaang sanhi ng matinding pag-paddle, may mga paso rin ito ng sigarilyo sa dibdib at kamay palatandaan na dumanas ito sa matinding pahirap.
Kung matatandaan ninyo, Feb. 28 ng kasalukuyang taon din nang matagpuan sa liblib na lugar sa Imus, Cavite ang labi ng Adamson student na si John Matthew Salilig.
Nasawi rin sa hazing si Matthew pero natakot ang kanyang mga ituturing na ka-brod kaya itinapon na lang ito.
Bagama’t may mga nadakip na rin na sangkot sa insidente, may ilan pang hinahanap.
Sa ilalim ng Anti-hazing Law, may katapat na parusa na reclusion perpetua o mahigit sa 40-taong pagkabilanggo at multa na P3 milyon sa sinumang nagplano o sangkot sa ganitong gawain partikular kung mayroong nasawi, ni-rape, may naganap na sodomy o mutilation.
Kung kaparusahan din lang ang pag-uusapan, masasabing ‘stiff penalties’ na ang nakapaloob sa batas sa hazing.
Pero nagpapatuloy, ibig lang sabihin walang kinatatakutan.
Hindi nga ba’t ayon sa ilang pag-aaral, kailangan umanong mabigyan ng atensyon ang ‘ pervasive belief ‘ sa kultura ng hazing.
Dapat maalis sa kaisipan ng isang nais umanib sa frat na ang matinding pagpapahirap ay kailangan sa mga nagnanais na maging miyembro ng grupo dahil ito rin naman ang dinaanang hirap ng iba bago sila naging miyembro.
Gantihan ang nangyayari na bagamat wala silang intensyon na mapahamak ang kanilang ini-initate, pero kailangan maranasan ng mga ito ang naranasang hirap nang ngayon eh nagpapahirap .
Yan daw ang brotherhood na isang kalokohan!