Ang trabaho niya’y mag-interview ng mga aplikante sa supervisory hanggang executive position. May isang bagay lang siyang napansin sa mga aplikante—gaano man sila katalino, hindi agad nila nasasagot ang tanong na: What is your purpose in life? Kapag ito na ang ibinabato niyang tanong sa mga aplikante, natitigilan ng ilang minuto ang aplikante. Para bang ikinabibigla lagi nila ang tanong.
Naging palaisipan sa kanya ang mga bagay na ito. Ang mga aplikante ay matataas ang pinag-aralan at mula sa mahuhusay na unibersidad pero hindi pala malinaw sa kanila kung ano ang layunin nila sa buhay. Kung may malinaw na layunin sa buhay ang isang tao, hindi na siya mag-iisip nang matagal kapag ito ang itinanong sa kanya.
Minsan ay may isa siyang aplikante para sa executive position. Kagaya ng dati, ibinato niyang muli ang kanyang favorite question: What is your purpose in life?
Hindi natigilan ang aplikante. Sinagot kaagad nito ang tanong:
“Manatiling mabuting tao, makarating sa langit at magsama ng maraming tao patungo roon.”
Natanggap ang aplikanteng ‘yun. Nang magtagal ay naging sikat ito sa kanilang kompanya dahil sa mahusay niyang pamamahala ng kanyang departamento. Halos lahat ng employees ay gustong mapasailalim sa kanyang departamento. Sabi nga ng kanyang mga tauhan: “Sinipag kaming magtrabaho simula nang si Sir ang naging head ng aming department kasi ipinaparamdam niyang magaling kami at importante ang bawat isa sa amin.”
“If your actions inspire others to dream more, learn more, do more and become more, you are a leader.”—John Quincy Adams