BUHAY na naman ang tinaguriang “pastillas scam”. Bumabalik ang mga korap sa Bureau of Immigration at lalong bumabangis. Hindi sila nasisindak sa babala ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. na sa Bagong Pilipinas, walang puwang ang korapsiyon at mananagot ang sinumang mapatutunayan.
Bumalik ang tinatawag na “escort services”. Ito ‘yung ginagawa ng BI officers na inieskortan papasok at palabas ang mga taong may problema ang travel documents kapalit nang malaking halaga ng pera. Ito yung tinatawag na “pastillas scam” na ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros noong 2021 na ang mga Chinese ay malayang nakapapasok sa bansa para magtrabaho sa POGOs kahit walang travel documents basta may padulas na pera.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, marami na namang ginagawang ganito sa NAIA sa pamamagitan ng mga korap na BI officers. Ginawa ni Remulla ang pahayag makaraang ma-intercept sa NAIA ang isang babaing nagpakilalang taga-DOJ. Nabatid na ang babae ay gumagamit ng pekeng travel authority. Ayon kay Remulla, ni-recruit ang babae para magtrabaho sa UAE bilang entertainer at nagbayad ng P500,000 para magkaroon ng travel documents.
Sabi ni Remulla, wala itong pinagkaiba sa “pastillas scam” na nag-eescort ang BI officers ng mga Chinese na magtatrabaho sa POGOs. Nagbabayad ang mga Chinese ng P10,000 bawat isa para maproseso ang travel documents nang walang kahirap-hirap.
Noong 2022, mahigit 30 BI personnel ang sinibak ni dating President Duterte dahil sa “pastillas scam”. Tinawag na “pastillas” dahil ang perang ipinangsusuhol sa mga BI officers ay nakabilot na animo’y matamis na pastillas. Mula 2017 hanggang 2019, dumagsa sa bansa ang mga Chinese na nakapasok nang walang problema. Malaking pera ang nakamal ng mga korap BI officers sa mga pumapasok na Chinese.
Minsan sa galit ni Duterte, pinatawag nito ang mga sangkot na BI officers sa Malacañang at pinagmumura mula ulo hanggang paa. Pagkatapos murahin, isa-isang binigyan ng mga binilot na pera na korteng pastillas at inutusan ang mga ito na kainin.
Ngayo’y balik ang ligaya ng mga korap BI officers sa NAIA. Hindi na Chinese ang kanilang inieskortan palabas ng bansa kundi mga Pinoy na gustong magtrabaho sa ibang bansa. Talamak na ang korapsiyon sa Immigration at dapat itong masawata ng kasalukuyang pamahalaan. Patikimin ng bakal na kamao ang mga korap na nahirati sa sarap ng “pastillas”.