^

Punto Mo

Social media, okey gamitin ng bata?

PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Kapansin-panasin sa Facebook na ang ilang account dito ay mahihiwatigang mga bata ang may-ari o gumagamit. Mga totoy at nene na aakalain mong marunong nang mag-browse, mag-post, mag-share, mag-comment o mag-like ng anumang mensahe, litrato, video at iba pang bagay sa Facebook. Magugulat ka na lang na nakakatanggap ng friend request mula sa isang bata. Meron pa ngang sanggol na bagong silang o wala pang isang taong gulang o magki-kinder pa lang. Nariyan din yung nasa edad na lima hanggang 12.

Makakalito sa sino man kung hindi niya kilala ang bata o ang magulang nito o sino mang nag-aalaga rito na mahahalatang siyang gumawa ng naturang social media account. Mainam kung merong kamalayan sa kailangang pag-iingat ang mga gumagawa ng social media account ng maliliit na bata tulad ng hindi pagbibigay dito ng mga sensitibong mga detalye o impormasyon na maaaring masamantala ng mga may utak-kriminal. Kaso, may mga ganitong account na ginagamit na profile ang aktuwal na litrato ng isang bata na mapanganib din.

Marami ring social media na mahigpit sa mga nagbubukas dito ng bagong account tulad ng pagkilatis sa edad o pagbabawal sa mga menor de edad pero tila merong butas sa kanilang mga patakaran dahil may mga nakakagawa ng account para sa mga maliliit na bata. Kauna-unawa naman kung katuwaan lang ito sa mga magulang o ibang matatandang nagbubukas ng account para sa kanilang maliliit na anak o alagang bata pero sana nga ay nilalakipan nila ito ng mga kaukulang pag-iingat.

Pero habang lumalaki ang mga bata sa kasalukuyan nating panahon, kasabay ng maaga at unti-unting pagkamulat nila sa sa mga “milagrong” nagagawa ng smartphone sa buhay  ng tao ang kamalayan at nabubuhay na interes nila sa social media.  Marami nang mga totoy at nene ang nakakapanood ng mga video sa YouTube at Tiktok sa tulong ng smartphone halimbawa bagaman nagagamit ito sa kanilang edukasyon bukod sa paglilibang.

Gayunman, nagiging isyu rin kung dapat bang pagamitin ng social media ang mga bata dahil meron ding mga nilalaman ito na maaaring hindi naaangkop sa kanilang edad o kaisipan bukod sa napapasukan din ito ng mga cybercriminal.

Mahirap pa ring matukoy at malinawan ang nagiging impluwensiya ng social media pero inirerekomenda naman ng American Psychological Association sa isang health advisory report nito na napaulat  sa Popular Science nitong taong ito na regular na repasuhin at pag-usapan ng mga magulang ang paggamit ng mga menor de edad nilang mga anak sa social media.

Sinasabi ng APA na isang susing paraan sa pagmamantini ng ligtas na karanasan sa mga platform na tulad ng TikTok, Twitter, Instagram at Facebook ang pagtuturo sa mga bata ng tamang paggamit ng social media kasabay ng pagtataguyod ng malusog na pag-uugali  at relasyon sa internet.

Marami nang mga kaso ng mga menor de edad na bata na inaaway o napapaaway o nakakaranas ng pang-aapi at depression  sa social media. Dapat nasusubaybayan at nagagabayan ng mga magulang ang ginagawa at nakikita ng maliliit nilang mga anak sa social media.

Ayon sa raisingchildren.net.au, mahirap din kung ipagbabawal ang social media sa mga maliliit na bata dahil nagiging bahagi ito ng kanilang mga apps, games, websites at learning environments.  Mas makabubuti na turuan ang mga bata sa tamang paggamit ng social media at pag-iwas sa mga peligro rito.

-oooooo-

Email: [email protected]

FACEBOOK

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with