Dear Attorney,
Balak ko po mag-resign bago matapos ang October. Gusto ko lang po sanang malaman kung hindi ko na ba matatanggap ang 13th month pay ko dahil may nakapagsabi sa akin na tuwing December lang daw talaga nagbibigay ng 13th month pay ang mga employer. —Trina
Dear Trina,
Bagama’t partikular ang batas na dapat ay matanggap ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay ng hindi lalampas ng December 24, wala namang batas na nagbabawal sa employer na ibigay ito ng mas maaga.
Sa katunayan nga, maraming mga kompanya ang nagbibigay ng bahagi ng 13th month pay sa kalagitnaan ng taon.
Kaya walang katotohanan ang sinabi sa iyong tuwing Disyembre lamang maaring ibigay ang 13th month pay.
Hindi rin dapat maging isyu sa pagtanggap ng 13th month pay ang pagre-resign mo ngayong Oktubre. Wala naman kasing nakalagay sa batas na kailangang isang buong taon ang ginawang pagseserbisyo ng empleyado upang makatanggap ng 13th month pay kaya ibig sabihin ay may karapatan kang makatanggap ng 13th month pay kahit pa ikaw ay magbibitiw ngayong buwan. Dapat ay kasama ang 13th month pay sa final pay na matatanggap mo sa iyong iiwanang employer.
Upang malaman kung magkano ang magiging 13th month pay mo, kailangan mo lang i-kompyut kung magkano ang lahat-lahat ng sahod na natanggap mo mula Enero hanggang sa buwan na nag-resign ka. Matapos mong makuha ang kabuuang halaga na ito ay kailangan mo lang itong i-divide sa 12 upang makuha mo kung magkano ang 13th month pay na dapat mong matanggap.