EDITORYAL - Bantayang todo ang rice smugglers

SINAMPAHAN na umano ng kaso ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlong rice smugglers sa Balagtas, Bulacan na sinalakay noong Agosto 30. Kasama ng BOC sa pagsalakay si House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas. Tatlong malalaking bodega ang ni-raid at natambad ang may kabuuang 202,000 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P505 milyon. Wala ang may-ari ng mga bodega. Mga trabahador ang naroon at nire-repack ang mga bigas. Walang maipakitang dokumento sa mga awtoridad kung legal o illegal ang mga bigas. Ang mga bodega ay ang Great Harvest Rice Mill Warehouse, San Pedro Warehouse at FS Rice Mill Warehouse sa Bgy. San Juan. Ayon sa BOC, smuggled ang mga bigas na nagmula sa Vietnam, Cambodia at Thailand.

Ang nakapagtataka, napakatagal bago pa nasampahan ng kaso ang mga may-ari ng bodega at hindi mapangalanan ang mga ito. Mahigit isang buwan din bago nalaman ng BOC na smuggled ang bigas. May itinatago ba ang BOC kung bakit napakatagal bago nila nadiskubreng mga smuggled ang bigas?

Kung tutuusin, madali namang malalaman kung smuggled ang kargamento kung walang maipakitang papeles. Hindi ba ito alam ng BOC? Ang mga legal na kargamento ay kumpleto sa papeles at anumang oras ay nakahanda itong ipakita sa mga awtoridad nang walang ligoy.

Sa pagkakasampa ng kaso sa mga may-ari ng bodega, hindi pa rin tiyak kung mapaparusahan nang mabigat ang mga ito. Hangga’t walang paghatol ang husgado, walang katiyakan kung sa kulungan ang bagsak nila o patuloy na makalalaya at ipagpapatuloy ang pag-smuggle ng agri products.

Noong nakaraang linggo, may nahatulan namang agri smuggler—kauna-unahang smuggler na nahatulan sa ilalim ng Anti-Agri Smuggling Act. Ang smuggler ay si - Divina Bisco Aguilar na napatunayang nagpuslit ng carrots mula sa Singapore noong 2020. Hinatulan si Aguilar ng apat na taong pagkabilanggo. Ayon sa korte naipasok ni Aguilar ang mga carrot makaraang ideklara ang mga ito na frozen pastry buns.

Hindi pa masasabing tagumpay ang pagkakahatol kay Aguilar sapagkat siya ay “sisiw” lamang kung ikukumpara sa mga malalaking “buwitre” na nagpapasok ng smuggled agri products. Matutuwa ang taumbayan kung ang mga mapaparusahan ay mga buwitreng smuggler na nagpapahirap sa ekonomiya ng bansa. Masisiyahan ang mamamayan kung ang mabubulok sa bilangguan ay mga matatakaw at hidhid na smugglers na may mga kasapakat sa BOC at sa DA.

Show comments