U.S. President na nilason daw ng misis  

SI Margaret Taylor ay maybahay ni Zachary Taylor, ang 12th U.S. President, mula Marso 4, 1849 – Hulyo 9, 1850. Pinagbintangan ang First Lady na pumatay sa kanyang asawang Presidente. Mga 16 na buwan lang nanungkulan bilang Presidente si Zachary Taylor.

Hindi kaagad nailibing ang Presidente dahil ayaw ni Margaret. Biglaan ang kamatayan ni Zachary at hindi ito matanggap ng kanyang maybahay. Pinalagyan niya ng yelo ang bangkay para mapreserba. Gusto raw niyang nakikita ang bangkay ng asawa araw-araw. Hindi rin siya pumayag na maembalsamo ang bangkay kaya isang hinala ang nabuo sa isipan ng mga kritiko: Siya siguro ang pumatay.

Ayaw niyang ipalibing at ipaembalsamo ang asawa para hindi magkaroon ng pagkakataong maeksamen ang bangkay nito at mabisto na nilason niya ito. Ngunit nangamoy na ang bangkay kaya nailibing na rin ang Presidente.

Noong 1991, naisip ng mga kamag-anak ni Margaret na ipahukay muli ang bangkay ng Presidente upang matigil na ang tsismis na nilason ni Margaret ang asawa. Bagama’t malaon na itong pumanaw noong 1852, mainam pa rin linisin ang pangalan niya sa kasaysayan.

Pagbabalik tanaw: Ilang araw bago ang biglaang kamatayan ng Presidente, dumalo siya sa isang pagtitipon dahil itatayo noon ang Washington Monument. Maraming cherries na inihain kaya’t marami siyang nakain, more or less isang bowl. Noon ay mainit ang panahon kaya’t marami siyang nainom na fresh milk na may yelo. Samakatuwid, naghalo sa kanyang tiyan ang acid ng cherries at gatas.

Pagdating niya sa White House, nakadama siya ng init kaya’t uminom siya ng ilang basong  malamig na tubig. Noong panahong iyon ay kalat na ang cholera. Idagdag pa ang hindi magandang sistema ng sewerage system. Malaki ang posibilidad na may bacteria sa tubig ng gatas na ininom niya sa paarty at tubig na ininom niya sa White House. Nakasama pa ang magkasunod na pagkain at pag-inom niya ng highly acidic cherries at fresh milk.

Namatay siya pagkaraan ng apat na araw dahil sa matinding pagtatae, sakit ng tiyan at dehydration. Noon na-established ang totoong dahilan ng kamatayan ng Presidente. Naliwanagan na walang kasalanan si Margaret sa kamatayan ng kanyang asawa.

Show comments