Inaasahang sa araw na ito (Okt. 3) ilalabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang desisyon sa hirit na taas-pasahe ng ilang transport group.
Ito ang hinihintay ng mga jeepney group dahil kung maipagpapaliban pa umano ang kasagutan sa kanilang kahilingan, ikakasa na nila ang tigil-pasada para sila mapakinggan.
Ito ay kaugnay ng inihaing petisyon ng iba’t ibang grupo na dagdagan ang pamasahe sa mga traditional public utility jeepney (TPUJ) at modern public utility jeepney (MPUJ) bunsod ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panig ng LTFRB, kailangan umano na magsumite ng pinal na petisyon ang naturang transport groups upang mas maging malinaw kung anong uri ng pampublikong sasakyan at saang lugar nila nais ipatupad ang taas-pasahe.
Kailangan din naman umano na makuha ng LTFRB ang komento ng mga stakeholder sa sektor ng mga commuters at ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang tuluyang makabuo ng desisyon ang ahensya.
Hiniling ang mga taas-pasahe dahil sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Kagaya rin sa araw na ito na bagama’t may bigtime rollback sa gasolina, pero may bahagya pa ring pagtaas sa presyo ng diesel.
Kadalasang diesel ang gamit sa mga pampasaherong jeepney.
Kung tutuusin, maging ang ilamg pasahero na siguradong maapektuhan sakaling maaprubahan ang kahilingan sa taas- pasahe eh ramdam na rin naman ang dinadanas na kalbaryo ng mga jeepney driver dahil nga sa sobrang mahal ng petrolyo.
Yan nga ang daing ng mga nasa transport group na halos kalahati umano ang nawawala sa kanilang kita dahil sa walang humpay na oil price hike.
Bagamat ang naging tulong ng pamahalaan ang magbigay ng fuel subsidy pandalian lamang umano ang ayuda at hindi makakasapat sa dinaranas nilang kalbaryo sa mataas na resyo ng petrolyo.
Magdesisyon man o hindi ngayong araw ang LTFRB, ang mga commuters ang malinaw pa sa sikat ng araw ang siyang maaapektuhan.
Taas-pasahe o tigil-pasada, yan lang ang inaasahan.