Ang kaibahan ng storage at memory

Mapapansin sa mga tindahan ng mga computer, laptop,  smartphone at ibang gadget, nakapaskel sa bawat paninda ang mga spec o katangian, laki, nilalaman, kapasidad at ibang bahagi o piyesa ng mga ito. Kabilang dito ang tinatawag na storage at memory na kailangang suriin muna ng konsyumer bago bilhin ang isang gadget kahit pa naghahanap ng mas murang produkto. Kaya nga, karaniwan, ang pagdedesisyon sa pagpili ng bibilhing computer, laptop o smartphone ay mainam  ding ibatay sa paggagamitan nito. Hindi lang sa presyo.

Ang storage ay patungkol sa hard drive, solid-state drive o flash memory. Dito nilalagak nang matagal ang impormasyong tinatanggap ng computer habang ang memory o RAM (random access memory) ay isang panandaliang lagakan na mahalaga sa mas mabilis na trabaho ng computer o smartphone.  Permanenteng nakatago ang anumang files sa storage habang sa RAM ay pansamantala lamang.

Sa RAM inilalagay ng computer ang impormasyong kasalukuyan mong ginagamit.  Sinasabi ni Harry Guinness sa Popular Science na ang RAM ay idinisenyo para mabilis na makita ng processor o central processing unit ang lahat ng impormasyon doon saan man ito pisikal na nakalagak. Malaki ang kinalaman ng RAM sa mabilis na takbo ng computer o smartphone.

Kung nag-iinternet ka, nag-eedit ng litrato o gumagawa ng word document,  lahat ng tinatrabaho mong data ay nailalagay sa RAM para madali itong makuha ng CPU kapag kailangan. Kung mas mabilis ang RAM, madaling makapagtatabi ng maraming bagay ang computer para mas mabilis kang makagawa ng iba’t ibang trabaho.

Kung mababa ang RAM, kailangan nitong humugot ng impormasyon sa mas mabagal na storage drive.  Kung bumabagal ang computer, malamang nasaid na ang lahat ng kapasidad ng memory.

Gayunman, mabuway ang RAM.  Pabagu-bago ito. Nakakapag-imbak lang ito ng impormasyon kapag nakabukas ang computer o naka-sleep mode ito. Kapag ganap na pinapatay ang computer o smartphone, nabubura ang lahat ng impormasyong hawak ng RAM.

Sa storage naman ng computer o smartphhone permanenteng nakatago ang mga impormasyon. Matatag ito na hindi tulad ng RAM. Ligtas na nakaimbak sa storage ang mga impormasyon kahit nakapatay ang gadget. Dito nakatago ang mga litrato, music at text messages na tinatanggap ng smartphone para madali mo itong mabuksan.

Ang mga smartphone at karamihan ng mga computer ngayon ay gumagamit ng solid state drive (SSD) habang ang ilang mas lumang computer ay gumagamit ng hard disk drive. Sa pangkalahatan, mas mabilis ang SSD. Kung HDD ang gamit ng iyong computer, mas gaganda ang trabaho nito kapag pinalitan ito ng SSD.

Ang storage capacity ay sinusukat sa gigabytes o terabytes (TB). Ang isang terabyte ay katumbas ng 1,000 GB.  Mahalaga pa rin ang storage anuman ang laki nito.  Kailangan ang mas malaking storage kung mas marami kang itinatagong mga malalaking document, files, litrato,  video, games, apps o program at iba pa.

Kung maliit ang storage device o puno na ang laman nito, kailangan mong magbura ng iba o lumang files para makapaglagay ng mga bagong files o document. Maling sabihin halimbawa na ang isang smartphone ay merong 64GB na memory. Ang totoo, meron itong 64GB na hard drive space o storage at ilang GBs ng RAM.  Kaya, kapag bibili ng computer o smartphone, piliin kung gaano ang laki ng storage na kailangan mong gamitin.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments