WALA na ang floating barriers na inilagay ng China sa Scarborough Shoal pero may pangamba pa rin ang mga mangingisda na mangisda roon. Nakabantay pa rin kasi ang mga barko ng China roon at mas marami pa ngayon. Kaya hindi pa rin lubos na nakakapaghanapbuhay ang mga mangingisda sa takot na habulin sila ng China Coast Guard.
Tinanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang floating barriers noong Lunes sa utos ni President Ferdinand Marcos. Ang bakod ay may habang 300 metro. Kabit-kabit ang mga boya at may pabigat na angkla sa ilalim para hindi matangay ng alon. Bukod sa angkla, mayroon din mga lambat sa ilalim ang mga boya.
Ayon sa PCG, lubhang delikado ang mga inilagay na boya sa mga mangingisdang Pilipino sapagkat posibleng sumabit ang propeller ng mga bangka nito sa mga lambat sa ilalim. Ang layunin daw kaya inilagay ang mga boya ay para hindi makapasok ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc. Ang nasabing lugar sa Scarborough Shoal ang pangisdaan ng mga Pinoy noon pa man sapagkat ito ang tradisyunal na fishing ground ng mga mangingisdang Pinoy. Idineklara itong sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Nanalo ang Pilipinas sa 2016 Arbitrary ruling kaya ang paglalagay ng bakod sa Scarborough ay paglabag sa international law.
Maraming isda sa Bajo de Masinloc kaya dito umaasa ang mga mangingisdang Pinoy. Dito nila kinukuha ang pinakakain sa kanilang pamilya at kung magpapatuloy ang China sa panggigipit sa Scarborough, magugutom sila.
Noong Huwebes, ilang mangingisda ang nagtangkang magtungo sa Bajo de Masinloc pero malayo pa ay natanaw na nila ang maraming barko ng China na halatang nagbabantay sa lugar. Mabilis na umalis ang mga mangingisda sa takot na habulin sila lalo pa at kinunan nila ng retrato ang mga barkong nagkalipunpunan.
Nakaamba ang taggutom sa mga mangingisda dahil sa patuloy na panggigipit ng China. Kung anu-ano na ang ginagawa nilang paraan para hindi makapangisda ang mga Pilipino sa sakop na teritoryo. Pagsikapan ng pamahalaan na dagdagan ang mga barkong pampatrulya ng PCG upang maproteksiyunan ang mga mangingisda. Ipagpatuloy din ang paghahain ng protesta sa ginagawa nitong pambu-bully. Umabot na umano sa 400 diplomatic protest ang inihain ng Pilipinas sa China. At ang pinakahuling magagawa, makipag-joint patrol sa mga kaalyadong bansa gaya ng U.S., Japan, Australia at Canada.