AYAN na nga at nagkasundo na ang Senado at House of Representatives na alisin na ang mga confidential at intelligence funds ng mga ahensya ng pamahalaan na wala namang kinalaman sa national security.
Ewan nga ba at kung bakit nauso-uso ang paghingi ng confi at intel funds ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Hindi pa birong halaga kundi milyun-milyon ang hinihingi na kakaiba pa sa talagang hirit nilang pondo sa kanilang tanggapan.
Ayon nga sa Kongreso, ilalaan na lang ang mga pondong inihirt ng ibang ahensya sa pagpapalakas sa pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) lalo nga at patuloy ang pambu-bully nitong China.
Bukod pa sa pagpapalakas sa paglaban sa mga cybercrime.
Ayon sa mga lider ng Kamara, ililipat umano ang pondo sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang mga ahensiyang ito ay direktang sangkot sa intelligence at surveillance na may kinalaman sa pambansang seguridad,
Ganito rin ang napagdesisyunan ng Senado, na ang tatanggalin CIF ay ililipat sa intelligence community gayundin sa PCG, at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na higit na nangangailangan dahil sa sitwasyon ngayon sa WPS.
Kabilang nga sa naapektuhan dito ang tanggapan ni VP at DepEd Secretary Sara Duterte na humingi ng CIF na umaabot sa P650 milyon,
Uminit ang balitaktakan sa CIF nang kuwestiyunin ng ilang kongresista at senador ang paghingi muli ni Vice Pres. Sara Duterte ng P500 milyon na confidential fund para sa OVP at P150 milyong confidential fund para sa DepEd.
Una nang nabulgar na ang P125M confidential fund noong 2022 ng tanggapan ng OVP ay ginasta sa loob lamang ng 11 araw o mula Disyembre 13-31, 2022 o P 11.3 M kada araw base na rin sa auditing report na inilabas ng Commission on Audit (COA).
Ngayon ngang nagkahigpitan na sa mga confi at intel fund, baka naman dapat nang magkusa ang iba pang ahensya na sila na mismo ang mag-alis o mag-give up sa kanilang CIF na wala namang kalinaw-linaw kung bakit sila nagsisihiling nito.
Yan ang hirap eh, nakalusot minsan, marami ang naggayahan.