Problema sa baha, ‘di masolusyunan mas lalong lumala  

TALAGANG masasabing kakaiba na ang nangyayaring madalas na pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Kung noon talagang kapag may bagyo o walang tigil na pag-ulan inaasahan na ang pagbahagi, pero ngayon kahit hindi naman kalakasan nandyan na ang mataas na tubig.

Eto pa, yung mga lugar na dati namang hindi bahain, ngayon nagmimistulang dagat na ang tubig.

Hindi nga malaman kung natututukan ang mga flood control projects. Baka naman kasi hiling lang nang hiling ng pondo ukol dito, pero tila walang nakikitang pagbabago.

Ganun pa rin konting ulan, lubog na sa baha ang mga pangunahin pa namang lansangan sa Metro Manila.

Tulad na lang nang nangyari sa mga nakalipas na araw, na sabihin na natin na talagang tumodo si habagat, pero ang nakakapagtaka dyan may ilang matataas na lugar ang inabot din ng mataas na tubig.

May paliwanag naman dyan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at sa kanilang nakikitang hindi tamang pagtatapon sa mga basura na siyang bumabara sa mga daluyang tubig ang nagiging sanhi ng mga pagbaha.

Pinatunayan yan ni  MMDA General Manager Procopio Lipana kung saan nga sa isang panayam, sinabi niyang  nakarekober ang kanilang mga tauhan ng sangkaterbang mga basura, gaya ng mga plastik at mga plywood, na siyang bumara sa mga drainage malapit sa ­EDSA-Camp Aguinaldo, na dito nga nasumpungan ang matinding pagbaha noong nakaraang Sabado.

Hindi lang marahil dyan, kundi sa marami pang lugar na kung saan nababarahan ang mga daluyan.

Ang isang pang klasik dyan, minsan sinasadyang barahan ang mga daluyan ng tubig.  Ang hindi malaman sa mga gumagawa nito eh ano ang kanilang dahilan at bakit nais nilang makaperwisyo ng kapwa.

Yan ang mga pasaway.

Dapat marahil na gawing regular ang paglilinis sa mga drainage sa ibat-ibang lugar at hindi kung tag-ulan lamang. Ang masama nga kasi dyan naiipon hanggang sa tuluyang dumami at magsanhi ng matinding pagbabara.

Plano rin nga ng MMDA na lumikha ng 50-year drainage master plan para sa NCR upang matugunan ang mga pagbaha, sa panahon ng tag-ulan.

Isama na rin marahil dyan ang mas mabigat na parusa sa mga pasaway na mahuhuling  kung saan-saan na lang ang nagtatapon ng kanilang basura.

Matagal na ang ganitong gawi na hindi nagbabago at lalu pa ngang lumalala dahil sa mga walang pakiaalam na pasaway at kapag bumaha, maninisi nang kung sinu-sino.

Show comments