Sa inilabas na ulat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kamakailan, alam ba ninyong pumapangalawa o No. 2 ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mataas na kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Seryosong problema ito na dapat na matutukan ng pamahalaan lalo na nga at mga walang muwang na paslit ang siyang target sa ganitong modus ng sindikato.
Walang takot ang mga gumagawa nito, dahil marahil maaaring malamya ang batas na nagpaparusa rito.
Panahon na para matututukan ito nang husto ng mga kinauukulan kung paano masasawata ang patuloy na pananamantala lalo na sa mga bata sa nagaganap na online modus kapalit ng pagkita ng pera.
Kailangan marahil ang mas mabigat pang kaparusahan sa mga mapapatunayang sangkot sa ganitong mga ilegal na gawain.
Habulin ang mga sangkot lalo pa nga’t madalas na mismong kaanak at kapamilya ng mga biktima ang siyang nagbebenta sa kanila.
Kadalasang inirarason dito ay ang matinding kahirapan, isama pa ang kakulangan sa mga kagamitan para mapaigting ang cybersecurity na tutukoy sa mga online predators.
Marapat din namang mapalakas ang ugnayan sa ibang bansa para sa pagpapalitan ng impormasyon para matunton ang mga dawit dito lalo na nga’t mga kabataang Pinoy ang madalas na tinatarget ng mga dayuhang predators.