Ligtas bang kainin ang pera?
Kontrobersiyal ang babaing security personnel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos lulunin ang $300 noong Setyembre 8. Nakunan ng CCTV ang pangyayari. Ayon sa mga awtoridad ng NAIA, sinibak na ang empleyada.
Ang pangyayari ay nagbunsod ng iba’t ibang katanungan tulad ng ano ang nasa isip ng empleyada habang ginagawa niya ito? Tuluyan ba niya itong nilunok at umaasa na mailalabas pa niya sa katawan nang buo at walang pinsala at maaari pang pakinabangan? Naisilid ba muna niya ang pera sa maliit na plastik bago ito lunukin para hindi mabasa sa loob ng kanyang katawan? Umaasa ba siyang hindi naman siya mabubulunan, magkakasakit o mamamatay dito?
Hindi lang naman siya ang unang gumawa ng ganito dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa. May mga kriminal na biglang nagsusubo ng nakaw nilang pera kapag mahuhuli sa akto. May mga kaso rin ng maliliit na bata na aksidenteng nakakakain ng pera lalo na ng maliliit na barya.
Kung may mga nalunok na barya na sumasama palabas sa katawan kapag dumudumi ang tao, meron namang naiipit sa mga bituka, baga, lalamunan, dibdib o ibang bahagi ng katawan kaya kailangan ang operasyon ng dalubhasang manggagamot para matanggal ito. Malaking gastos ito sa nakakain o lumunok ng pera.
Wala pa namang napapaulat na namamatay sa pagkain ng pera pero sinasabi ng ilang mga kinauukulan na maaari itong magdulot ng ilang mga karamdaman o hindi magandang kundisyong pangkalusugan bukod sa ang pera ay hindi naman pagkain na dapat kainin. Ito ay dahil sadyang marumi ang mga pera na kinakapitan ng mga mikrobyo. Nagpapasalin-salin at nagpapalipat-lipat ng iba’t ibang kamay at mga lugar ang mga pera kaya hindi maiwasang makapitan ito ng anumang klase ng mga dumi o virus.
Naging isyu nga ang pera sa kasagsagan ng COVID-19 noong 2020 dahil sa mga bacteria at virus na kumakapit dito kaya inirekomenda ng World Health Organization ang paghuhugas ng kamay bago o pagkatapos humawak ng pera.
Sa isang pag-aaral na nalathala sa journal na Plos One noong 2017, ayon sa Time, daan-daang microorganism ang natuklasan ng mga researcher sa isang perang papel sa New York. Nakatukoy din sila ng harmless skin bacteria, vaginal bacteria, microbes na nagmula sa bibig, DNA mula sa mga hayop at virus.
Lumabas din sa ibang pananaliksik na may mga perang papel na nagtataglay ng mga pathogen tulad ng Escherichia coli (E. coli), salmonella at staphylococcus aureus na makakapagdulot ng malubhang karamdaman. Sinasabi pa sa isang pag-aaral, ayon sa isang ulat sa Insider, na ang mga pisikal na pera ay 55 beses na nagpapalipat-lipat ng mga kamay na humahawak sa mga ito sa bawat taon o halos minsan sa isang linggo.
Ang mg perang papel ay itinuturing na fomite o mga bagay na nagdadala at nagpapakalat ng mga sakit o mikroboyo o pathogen. Sinasabing walang pamantayang paraan sa paglilinis ng mga pera laban sa mga bacteria o virus kaya nga higit na inirerekomenda ng mga awtoridad ang paghuhugas ng kamay bago o pagkatapos humawak ng pera o pagsusuot ng guwantes kapag hahawak ng pera.
At matagal kumapit sa pera ang mga germs, bacteria, virus at iba pang microorganism kaya malaki ang pagkakataong makalipat ito sa ibang tao. Lumabas sa isang pag-aaral na ang methicillin-resistant S. aureus (MRSA), isang superbug na nakalikha ng panlaban sa penicillin, ay madaling nabubuhay sa mga barya on coins. Depende sa klase ng pathogen ang itinatagal ng mga germs sa mga surfaces.
May mga virus na nabubuhay nang hanggang 72 oras kaya mahalagang maging maingat sa paghawak ng pera. Bukod dito, ang mga tao, pagkatapos humawak ng anumang pera, ay nakakahawak o humahawak sa ibang bagay tulad sa seradura ng pinto, silya, mesa, computer, cell phone, laptop, baso, kutsara, at iba pa at nakikipagkamay o nakakahawak sa ibang tao na maaaring paglipatan ng mga bacteria, virus at germs na nauna nilang nakukuha sa pera.
Kung ang paghawak pa lang ng pera ay maaari nang makapitan ng mga bacteria, virus at germs, paano pa kung ipapasok ito sa bibig at lulunukin?
•••••••
Email: [email protected]
- Latest