Dear Attorney,
Mababawi ko pa po ba ang P300,000 na sobrang naibayad ko sa aking inutangan kamakailan lang? Kahit kasi wala naman kaming napag-usapan tungkol sa interes ay binayaran ko na rin sa pag-aakalang may interes nga akong kailangang bayaran. Ngayong nalaman ko na hindi naman pala ako kailangang magbayad ng interes ay puwede ko pa bang habulin ang sobra kong naibayad? —Pol
Dear Pol,
Maari mo pa ring bawiin ang naibayad mong P300,000. Ayon sa Article 1960 ng Civil Code, kung nagbayad ng interes ang isang umutang kahit wala namang napagkasunduan ukol dito, kailangang sundin ang prinsipyo ng solutio indebiti na nakasaad sa Article 2154 ng Civil Code.
Ayon sa Article 2154, kung may natanggap na isang bagay at wala namang karapatan ang nakatanggap na hingin ito at naibigay lamang ito sa kanya bunsod ng pagkakamali ay magkakaroon ng obligasyon ang nakatanggap na ibalik ang bagay na kanyang natanggap.
Base rito, may karapatan kang singilin pabalik ang interes na ibinayad mo dahil ibinigay mo lamang ito sa pag-aakalang kailangan mo talagang magbayad ng interes.
Sa small claims court ka dapat magsampa ng kaso dahil nasa P300,000 lamang ang iyong sisingilin ngunit kailangan mo munang magpadala ng demand letter upang maipakita sa korte na binigyan mo ng tsansa ang iyong inutangan na bayaran ang sinisingil mong halaga.