Abalang pinupulot ng janitor ang mga kalat sa paligid ng beach nang lapitan siya ng isang bata.
“Tulungan mo po ang Daddy ko, nalulunod siya” sabay turo sa lalaking lulubog-lilitaw sa dagat na tila ikinakaway ang nakataas niyang kamay.
Hindi nagdalawang isip ang janitor at kaagad nitong nilangoy ang kinororoonan ng lalaking itinuro ng bata.
Bagama’t marunong lumangoy ang janitor, nahirapan ito na maiahon sa dalampasigan ang lalaki dahil mataba ito at mas matangkad na lalaki kaysa kanya. Pinagmuntik-muntikanan na rin mahila pailalim ang janitor dahil sa tindi ng pangungunyapit ng lalaki sa kanya. Pinagkaguluhan sila ng mga tao at bayaning-bayani ang turing sa janitor ng mga ususero. Ang lalaki palang iniligtas ay isang mayamang negosyante dahil humahangos na nagdatingan ang mga bodyguard nito. Galit na nagsalita ang negosyante sa kanyang mga bodyguard sa harap ng mga tao.
“Mga walang pakinabang! Humanda kayo pagbalik natin sa Maynila!”
Nang umayos na ang pakiramdam ng negosyante ay nagpasalamat ito sa kanyang tagapagligtas. Hiningi ng negosyante ang wallet niya sa kanyang assistant. Dumukot ito ng P100 at iniabot sa janitor.
Nagsimangutan ang mga ususero’t ususera nang makita ang halaga ng perang iniabot sa janitor. Wala na ang grupo ng negosyante nang magbigay ng opinyon ang mga taong nakapaligid sa janitor.
“One hundred lang? E, halos malunod ka na rin sa pagsagip sa kanya? Ang cheap naman ni Sir, mukha naman siyang mayaman at may bodyguard pa.”
“Sa sobrang laki ni Sir na kasinglaki na siya ng dugong, aba, kahit P100,000 ang ibigay na pabuya kay Kuya, sulit na sulit siya. Diyos ko, isandaang piso lang?”
Ngumiti ang janitor sabay sabing:
“ Wala tayong magagawa kung sa tingin po niya ay isandaang piso lang ang halaga ng kanyang buhay.”