LABING-ISANG sunud-sunod na linggo nang tumataas ang gasolina, diesel at kerosene. At ang sabi, magpapatuloy pa ito hanggang Disyembre. Ang huling oil price hike ay noong Martes na tumaas ng P2.50 ang diesel at P2.00 sa gasolina at kerosene. Ang pagbabawas ng produksiyon sa langis ng Saudi Arabia at Russia ang sinasabing dahilan nang hindi makontrol na pagtaas ng produktong petrolyo. Sa pagtaas ng petroleum products, walang ibang nahihirapan kundi ang mahihirap na mamamayan. Apektado sila sapagkat kasunod na tumataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Noong Lunes, nakipagdayalogo si House Speaker Martin Romualdez sa mga may-ari ng kompanya ng langis para makagawa ng solusyon ukol sa sunud-sunod na oil price hike. Isa sa ipinanukala ni Romualdez ay ang pagsuspende sa excise tax na ipinapataw sa imported oil. Tatlong buwan na pagsuspende sa tax ang panukala ng House Speaker. Ito umano ang tanging paraan para mapagaan ang bigat na dinaranas dulot ng oil crisis sa bansa.
Ang pagsuspende sa excise tax ay matagal nang suhestiyon para masolusyunan ang walang tigil na pagtaas ng petroleum products subalit lagi itong tinututulan ng pamahalaan. Kapag inalis daw ang tax sa petrolyo malaki ang mawawala sa kaban ng bansa. Mawawalan daw ng P4.9 billion bawat buwan o tinatayang P14 billion sa loob ng tatlong buwan. Unang-una nang tumututol ang Department of Finance.
Kaya sa kabila ng mga protesta para sa pagsuspende ng excise tax, walang pagkilos ang pamahalaan. Mas mahalaga sa kanila ang kikitain sa buwis na nakokolekta sa imported na petrolyo.
Ayon sa pag-aaral, kapag inalis ang buwis sa petrolyo, ang presyo ng bawat litro ng gasolina, diesel at kerosene ay bababa sa P10. Ganito kalaki ang mababawas kung walang tax. Malaking kaginhawahaan ito sa mamamayan lalo na ang mga mahihirap.
Katwiran ng mga kumukontra sa pag-aalis ng excise tax, hindi raw ang mahihirap ang makikinabang sa pagsuspende nito kundi ang mayayaman sapagkat maraming sasakyan ang mga ito. Kaya hindi raw makatwiran ang pagsuspende sa excise tax. Hindi raw ito ang tamang solusyon.
Kung hindi ito ang solusyon, ano ang dapat gawin? Ang bigyan ng kakarampot na ayuda ang mga mahihirap at mga drayber? Hindi uubra ang patapal-tapal na solusyon sa nangyayaring oil crisis. Ang solusyon ay ang pagtanggal sa buwis. Ipagpatuloy ng Kamara sa pamumuno ni Romualdez ang pagsusulong na suspendihin ang excise tax. Ito ang magpapagaan sa pasanin ng mahihirap.