Ang dalawang anghel  

MAY dalawang anghel na naisipang mamasyal sa mundo ng mga tao. Inabot sila ng gabi sa isang lugar kung saan nakatayo ang isang malaking mansiyon na pag-aari ng pinakamayaman sa bayang iyon. Kumatok sila at nakiusap kung puwedeng makituloy. Pumayag naman ang may-ari ng bahay pero doon sila pinatulog sa basement kung saan sila ikinandado upang makasiguro na hindi sila makakapagnakaw. Duda kasi ang may-ari sa pagkatao ng dalawang estranghero.

Hindi man lang sila inalok na kumain o painumin man lang ng tubig. Habang nakahiga ang dalawang anghel, napansin ng nakatatanda na may butas sa pader ng basement. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinakpan niya ito. Maaga pa ay ginising na ng may-ari ang dalawang anghel at sinabihang hindi sila puwedeng magtagal sa bahay.

Sa ikalawang araw ng paglalakbay ay napagawi ang dalawang anghel sa kubo ng mahirap na pamilya. Humingi sila ng tubig ngunit hindi lang iyon ang ibinigay ng mag-asawa kundi sariwang gatas mula sa kaisa-isa nilang baka na pinagkukunan ng kabuhayan.

Nang sumapit ang gabi, inanyayahan sila ng mag-asawa na sa kubo na nila ang mga ito magpalipas ng gabi. Ibinigay ng mag-asawa ang kanilang higaan. Sa salas na lang ang mga ito nahiga. Kinabukasan, nagisnan ng mga anghel na umiiyak ang mag-asawa. Namatay daw ang kanilang kaisa-isang baka na tanging pinagkakakitaan.

Nang magkasarilinan ang dalawang anghel, hindi maiwasang kuwestiyunin ng nakababatang anghel ang nakatatandang anghel:

“Naging mabuti sa atin ang mag-asawa, bakit hindi mo sila tinulungang iligtas sa kamatayan ang alaga nilang baka? Samantalang pinagmalasakitan mong takpan ang butas na pader ng mayamang masama ang ugali?”

“Kagabi ay dumating ang angel of death at susunduin na niya ang mabait na maybahay pero pinigilan ko siya at ang baka nilang alaga ang inalok ko na sunduin niya. Sa darating na araw, may taong darating at bibigyan sila ng baka na kapalit ng namatay. Tungkol naman sa butas ng pader, nasilip ko na may nakabaon doon na kayamanan. Tinakpan ko iyon upang hindi matuklasan ng mayaman. Masama ang ugali niya at hindi siya karapat-dapat sa kayamanan na iyon.”

“Things are not always as they seem. Sometimes we have to trust that things are working out the way they should.”

Show comments