AKSIDENTENG natagpuan ng mga pulis sa Peru ang 800-year-old na mummified na bangkay sa loob ng delivery bag ng isang delivery rider!
Dahil kahina-hinala ang mga ikinikilos, nilapitan ng mga pulis ang food delivery rider na si Julio Cesar habang nasa isang archeological site sa siyudad ng Puno sa southeastern Peru.
Laking gulat ng mga pulis na ang nilalaman ng delivery bag ni Cesar ay isang sinaunang bangkay na nakabalot sa bandage at naka-fetal position, isang tipikal na hitsura at posisyon ng mga mummy mula sa sinaunang panahon ng Peru.
Ayon kay Cesar, ang mummy ay kanyang pagmamay-ari at pinangalanan niya itong “Juanita”. Inilagay niya ito sa delivery bag upang ipasyal at ipakita sa kanyang mga kaibigan.
Para kay Cesar, si Juanita ang kanyang “spiritual girlfriend” at kasama niya itong matulog sa kanyang kuwarto. Kuwento ni Cesar, ang kanyang ama raw ang unang may-ari kay Juanita ngunit hindi nito pinaliwanag kung paano at saan ito nakuha ng kanyang ama.
Agad kinumpiska ng mga pulis ang mummy upang ipasuri sa ministry of culture. Sa pagsusuri ng mga eksperto gamit ang pag-scan dito, napag-alaman na si “Juanita” ay bangkay ng isang lalaki at may edad na itong 800 years old.
Sa kasalukuyan, naka-detain si Cesar at kinukuwestiyon ng mga awtoridad. Maaari siyang makulong dahil sa paglabag sa cultural heritage ng Peru.