Madalang pa naman sa ngayon na ang Pilipinas ay nababagsakan ng mga bagay na labi ng mga pinalilipad na mga rocket ng ibang mga bansa patungo sa kalawakan o kahit sa orbit ng Daigdig mula nang magsimula ang tinatawag na space age noong 1950s. Wala pa namang napapaulat na mga luma o sira nang satellite o parts ng rocket halimbawa na bumagsak sa kalupaan ng ating bansa at nakadisgrasya ng tao o nakasira ng ari-arian.
Pero, sa dami ng mga bagay na gawa ng tao (pamahalaan man ng ibang bansa o ng isang dayuhang pribadong kumpanya) na lumulutang sa orbit ng ating planeta, walang katiyakan na wala sa mga ito ang magdudulot ng malaking kapahamakan sa alin mang bansa sa mundo tulad ng Pilipinas bagaman meron din itong sariling satellite na lumulutang sa kalawakan ng Daigdig.
Sa mga bagay na ito, merong mga tinatawag na space junk o mga basura sa kalawakan na palutang-lutang lang sa orbit o sa matataas na atmospera ng Daigdig. May mga kusang nasusunog na lang bago tuluyang bumagsak sa kalupaan o naiiwang lumulutang sa kalawakan at iniiwasan na lang mabangga ng mga gumagalang satellite o mga spaceship.
Sinasabing hanggang noong Nobyembre 2022, ang Space Surveillance Network ng United States ay nakapagreport ng 25,857 artificial object sa orbit sa kaitaasan ng Daigdig. Kabilang dito ang 5,465 na gumaganang mga satellite. Pero ang mga ito ay yung mga malalaking klase na madaling matunton.
Hanggang noong Enero 2019, mahigit 128 milyong piraso ng mga space junk o debris na mas maliit sa 1 cm (0.4 inch); 900.000 piraso ng debris na 1-10cm ang liit; at 34,000 piraso na mas malaki sa 10 cm (2.9 inch) ang tinatayang lumilibot sa paligid o orbit ng Daigdig.
Kabilang sa tinatawag na mga space junk iyong mga bagay na wala nang silbi tulad ng sira nang satellite o mga piraso o piyesa mula sa mga rocket o spacecraft. Merong mga hakbang ang ilang kinauukulan tulad ng pagsira sa naturang mga space junk pero lalo lang lumilikha ang mga ito ng bagong mga basura sa kalawakan.
Kamakailan nga, ayon sa Department of Foreign Affairs, pinangunahan ng Pilipinas ang 33 bansa na nanawagan sa responsableng mga kilos sa kalawakan. Sabi sa pahayag ng 33 bansa na kinabibilangan ng Brazil, Germany, Netherlands at binasa ng kinatawan ng Pilipinas sa United Nations, “lahat ng mga aktibidad na isinasagawa ng mga bansa sa kalawakan ay dapat isagawa nang alinsunod sa international law. Mahalaga na ang mga aktibidad na ito ay isagawa nang may pagsasaalang-alang sa kaukulang mga karapatan at interes ng ibang bansa.”
Partikular na tinalakay sa pahayag ang mga banta mula sa kalawakan na maihihiwatigang halimbawa nito ang mga space junk.
Inirerekomenda rin sa ibang kahalintulad na report sa UN ang pag-iwas sa mga debris-creating anti-satellite missile test, pangangalaga sa mga civilian infrastructure at mga mekanismo sa pagpapalabas ng mga pasabi sa mga paliliparing mga rocket.
Binanggit nga sa isang ulat ng DFA na sa nagdaang ilang taon, may mga debris mula sa mga pinalilipad na rocket na bumabagsak sa teritoryo ng Pilipinas na nagdudulot ng panganib sa mga komunidad. Wala pa ngang nadidisgrasya o napapahamak na tao o nasisirang mga ari-arian dulot ng naturang mga space junk pero, sakaling mangyari ito, sino ang hahabulin o pananagutin?
••••••
Email: rmb2012x@gmail.com