^

Punto Mo

EDITORYAL — Perwisyong baha dahil sa basura

Pang-masa
EDITORYAL — Perwisyong baha dahil sa basura

Patuloy ang pag-ulan na maaaring tumagal pa ng dalawang araw ayon sa weather forecast. Dulot ng habagat ang pag-ulan na naging dahilan ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan at ilan pang probinsiya. Pinakamatindi ang nararanasang baha sa Calumpit, Bulacan na dulot pa ng mga nagdaang bagyo. Hindi pa humuhupa kaya nagdurusa ang mga residente.

Noong nakaraang Huwebes, lumubog sa baha ang maraming kalsada sa Maynila, Quezon City, Malabon at Valenzuela. Hindi madaanan ng mga maliliit na sasak­yan­­ ang España Blvd. sa Maynila at ang Araneta Avenue sa Quezon City. Baha rin sa Taft Avenue at Rizal Avenue. May pagbaha rin sa Buendia at Pasay Road sa Makati. Lubog din sa baha ang MacArthur Highway sa Valenzuela­.

Ang nakapagtataka lang, matagal humupa ang baha sa mga kalsada ngayon. Hindi katulad sa mga naka­raang pagbaha na sa loob lamang ng isang oras, hupa na ang baha kaya nakakaraan na ang mga sasakyan. Matagal na naiistak ang tubig-baha.

Itinuturong mga dahilan ng pagbaha ay mga basu­rang nakabara sa imburnal. Isa pang dahilan ay ang mga tumigas na semento na nagmula naman sa mga itinatayong condominium at building. Dahilan din ang mga ginagawang reclamation project sa Manila Bay.

Subalit lumabas sa mga isinagawang pag-aaral, ang mga single-use plastic ang numero unong dahilan kaya may pagbaha sa Metro Manila. Nakabara ang mga single-use plastic sa waterways. Dahil walang madaanan ang tubig, sa kalsada naiistak. Kabilang sa mga naka­bara sa daluyan ng tubig ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, toothpaste at iba pa. Hindi nabubulok ang mga ito kaya habambuhay na nakabara at problema sa mamamayan.

Ang problema sa plastic na basura ay malaking hamon­ sa Department of Environment and Natural Re­sources (DENR). Inamin naman ni Environment Secretary Maria­ Antonia Yulo-Loyzaga na 61,000 metrikong tonelada ng basura ang itinatapon sa Pilipinas kada araw at 24 percent sa mga basurang ito ay single-use plastic. Ayon sa kalihim, sinisikap ng DENR na ang mga plastic na basura ay hindi makarating sa karagatan at sa coastal areas. Gumagawa umano sila ng mga paraan ukol dito. Noong nakaraang taon, sinabi ni President Ferdinand Marcos na pagtutuunan ng pansin ang pag­lilinis sa karagatan. Isa ang Pilipinas sa plastic pollutant.

Palakasin at ipatupad ng local government units (LGUs) ang mga ordinansa na nagbabawal sa pagtatapon ng ba­sura sa mga estero at kanal. Bigatan ang parusa sa mga mahuhuling magtatapon. Kung hindi magkakaroon nang kamay na bakal, lulubha pa ang baha dahil sa basura. Hindi dapat mangyari ito.

WEATHER FORECAST

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with