Digital tech: Masama o mabuti sa e­studyante?

Malawak ang kahulugan ng tinatawag na digital technology. Lubha itong teknikal pero ilang simpleng halimbawa nito ang computer, laptop internet, social media, smartphone, iPad, tablet, WiFi, digital camera, Smart TV, e-readers, software applications,  artificial intelligence, online streaming services, online educational platforms, o ATM, online payment platforms at iba pang katulad nito na naging bahagi na ng araw-araw na buhay ng mga tao.

Malaki ang naging kontribusyon ng mga ito sa maraming larangan tulad sa komunikasyon, negosyo, komersiyo, medisina, siyensiya, pananaliksik, seguridad, pagbabanko, industriya,  financial transactions,  agrikultura, kultura,  edukasyon, robotics,  at iba pa. Maraming bagay ang nagiging awtomatik, mas masinop at napapabilis  dahil sa digital technology.

Matagal na ring  nagagamit sa edukasyon ang digital technology. Nagagamit ng mga kabataan sa kanilang pag-aaral ang mga computer, internet, at ibang makabagong gadget sa kanilang pagkatuto. Nagiging kasangkapan ng mga guro sa pagtuturo ang ganitong teknolohiya.

Isa nga lang kuwestiyon kung nakakatulong ba talaga ang digital technology para matuto ang mga estudyante na kailangan ding saliksikin. Hindi ba sumosobra ang pagpapagamit sa mga estudyante ng teknolohiyang ito?

Gayunman, may isang buwan na ang nakararaan,  nagbabala ang United Nations laban sa sinasabi nitong “sobrang’ paggamit ng digital technology sa mga silid-aralan. Sinabi ng UN na ang lubhang paggamit ng teknolohiya ay maaaring maging hindi produktibo o makakasama kung makakasagabal ito sa pagkatuto halimbawa ng mga estudyante sa pagbabasa.

Sinasabi sa isang report ng UNESCO, isang education, culture at science agency ng UN, na bagaman dapat matutuhan ng mga estudyante ang teknolohiya, dapat maging maingat ang mga titser laban sa maaaring maging sobrang paggamit ng “magagarbong kagamitang pangteknolohiya” sa mga silid-aralan.

Pinupuna  sa report ng UNESCO na wala pang gaanong malakas na katibayan na nakakadagdag sa kahalagahan ng edukasyon ang digital technology. Ipinahiwatig nito na maaaring maging masama ang epekto kung lumalabis o mali ang paggamit nng teknolohiya sa silid-aralan.

“It should focus on learning outcomes, not on digital inputs,” sabi ng UNESCO na maaaring ibig sabihin ay dapat tutukan kung paano natututo ang mga estudyante at hindi sa kung ano ang nakikita nila.

Sinasang-ayunan din sa report ang ginagawa sa ilang mga bansa na ipinagbabawal sa mga silid-aralan ang mga smartphone dahil nakakaabala ito sa pag-aaral ng mga estudyante. Binabanggit din na hindi sapat na mamahagi ng laptop sa silid-aralan dahil kailangan meron din itong kaakibat na pag-alalay sa pagpapagamit nito sa mga estudyante.

Nagbabala rin ang report laban sa paggamit ng digital technology bilang kapalit ng mga tradisyunal na paraan ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga mag-aaral tulad ng sa pagbabasa. Batay sa pahayag ng UN, mas nababawasan ang tsansang mabiktima ng panloloko sa internet ang  mga estudyante kung marunong silang magbasa.

“Kung naturuan kang magbasa nang mabuti, makabasa ng mga kahulugan, higit kang naihahanda sa pagsuong sa digital world at ito ang realidad na nakakalimutan natin,” sabi sa report.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments