BAWAL na ang pagdidikit ng anuman sa pader ng mga eskwelahang pampubliko. Kasama sa ipinagbabawal ang pagdidisplay ng mga religious images na katulad ng krus at rosario at larawan ng mga bayani. Ito’y para makatutok ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, ayon kay DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte.
Noong 2017, ipinag-utos ni dating Presidente Rodrigo Duterte, ama ni Sara, ang pagdidikit ng larawan ng mga bayani sa lahat ng paaralang pampubliko, kasama na ang mga kolehiyo at unibersidad ng estado, para itaas ang kamalayan ng mga estudyante sa pagmamahal sa bansa at pagpapahalaga sa mga bayani.
Magkataliwas ang kaisapan ng mag-ama. Sino kaya sa kanila ang tama?
May katwiran si Sara na ipagbawal ang pagdidisplay ng mga religious images, sapagkat marami tayong relihiyon, bukod sa Romano Katoliko. Kailangan ay patas ang pagtrato ng estado sa lahat ng relihiyon, walang sinuman ang dapat pinapaboran. Pero hindi ko maintindihan kung bakit pati larawan ng mga bayani ay ipinagbabawal para diumano makatutok ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Isa sa dapat matutuhan ng mga estudyanteng Pilipino ay ang pagmamahal sa bansa at sa ating kasaysayan. Mahalagang bahagi ng ating kasaysayan ang ginawang pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani dahil sa marubdob nilang pagmamahal sa bansa. Ito ang kulang na kulang sa atin bilang isang lahi—ang pagmamahal sa bansa at ang malalim na kamulatan sa kasaysayan. Ang pagdidisplay ng larawan ng ating mga bayani ay isang praktikal na paraan ng pagpapaalala sa ating mga kabataan ng kahalagahan ng nasyonalismo.
Bukod pa rito, kailangang palakasin din ng DepEd ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas, pero ‘yong kasaysayang batay sa katotohanan.
Kung ang layunin ng DepEd ay makatutok ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, maraming mahalagang dapat gawin kaysa pag-aalisin ang larawan ng mga bayani. Unang-una, kailangang makapagpatayo ng karagdagang mga eskuwelahan upang madagdagan ang bilang ng mga silid-aralan. Paano makakatutok sa pag-aaral ang mga estudyante kung napakasikip at napakainit sa loob ng silid-aralan? Kailangang dagdagan ang pondo sa pagtatayo ng mga eskuwelahan, sa halip na maglaan ng malaking halaga sa mga kaduda-dudang gastusin na katulad ng P150 milyong confidential and intelligence funds para sa DepEd.
Susi rin sa pagkatuto ng mga estudyante ang pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro. Kailangang maitaas ang kalidad ng pagtuturo sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay sa mga guro. Kailangan ding madagdagan ang bilang at suweldo ng mga guro. Hindi natin maaasahang makapagtuturong mabuti ang mga gurong sobra ang pagod, ngunit kulang ang suweldo.
Mahalagang laging maayos ang mga silid-aralan para sa ikatututo ng mga estudyante. Ang problema, sa tuwing magkakaroon ng kalamidad, ang mga eskwelahan ang ginagamit na evacuation center. Nasisira at narurumihan ang mga silid-aralan, bukod pa sa nababalam ang mga klase. Dapat ay pagtuunan ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng mga evacuation centers, sa halip na kung anu-ano ang ipinapatayong mga proyekto na diumano’y pinagkakakitaan.
Maraming dapat gawin para iayos ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas na ngayon ay nabibilang sa mga kulelat sa buong mundo. Kailangang magtulungang mabuti ang pamahalaang nasyonal at lokal, sapagkat ang kinabukasan ng ating bansa ay nakasalalay sa uri ng mga estudyanteng lilikhain ngayon ng mga eskuwelahan.