Lalaki sa Brazil, natuklasan na idineklarang patay na noong 1995 at mayroon siyang death certificate!
NOONG nakaraang Agosto 16, 2023, tagumpay na napawalang-bisa ni Manoel Marciano da Silva ang kanyang death certificate. Sa loob ng 28 years, nakadokumento sa kanyang death certificate na siya’y patay na at nakalibing sa public cemetery sa Augustinopolis sa Tocantins, Brazil.
Taong 2012, natuklasan ni Manoel na siya’y “patay” na matapos niyang subukan na bumoto sa local election. Laking gulat niya nang sabihan siya na wala na siya sa voter’s list dahil “deceased” o patay na ang status ng kanyang pangalan.
Dahil busy sa trabaho noong panahong iyon, hindi niya sineryoso at inintindi ang sinabing ito sa kanya sa voting precinct.
Naging problema na kay Manoel noong 2021 ang kanyang “legally dead” status nang hindi siya makakuha ng pensiyon at hindi niya ma-access ang healthcare na libreng gamot at pagpapaospital.
Dahil dito, nag-imbestiga siya sa kanyang “pagkamatay” at nalaman niya na ang kanyang dating asawa ang nagdeklara sa mga awtoridad na patay na siya.
Hindi malinaw kung bakit idineklara siyang patay ng kanyang dating misis ngunit may hinala ang kanilang mga anak na maling napirmahan ng kanilang ina ang death certificate dahil hindi ito marunong bumasa at sumulat.
Kumuha ng abogado si Manoel para mapawalang-bisa ang kanyang birth certificate. Sa tulong ng kanyang fingerprints, napatunayan na siya si Manoel Marciano da Silva at buhay pa siya.
Inabot ng dalawang taon ang pag-apela niya sa korte at sa kasalukuyan, nabigyan na siya ng bagong birth certificate.
- Latest