DAHIL sa sangkaterbang reklamo na natanggap buhat sa mga pasahero kung kaya sinuspinde ang pagpapatupad sa bago at mas istriktong panuntunan sa ‘departure guidelines’ ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Sa kabila nga nito hindi iaatras ng Senado ang imbestigasyon ukol sa revised travel guidelines ng mga Pinoy na nais magbiyahe palabas ng bansa.
Ayon nga kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ikakasa pa rin ang pagdinig dahil kailangang ipaliwanag ng IACAT kung paano nila nabuo at ano ang ginamit na basehan sa inilatag na bagong travel guidelines lalo pa at wala namang batas na umano’y sumusuporta para rito.
Marami pala talagang dapat ipaliwanag ang IACAT tungkol sa rason sa pagbuo ng patakaran para sa dagdag na mga dokumentong kailangang ipakita sa mga immigration officers bago payagang makalabas ng bansa ang isang nais magbiyahe.
Maraming mga biyahero ang pumalag dito, bagamat layunin umano nito na malabanan ang human trafficking, pero iba na umano kung tila nahahadlangan na ng mga patakarang ito ang kalayaan ng mga Pinoy na makapaglakbay sa labas ng bansa.
Nagpaliwanag naman ang DOJ ukol dito, na hindi nila layon na pahirapan ang publiko at sa halip ay mapabuti pa ang “overall experience” ng mga aalis na pasahero.
Nais din naman Senator Chiz Escudero na ibalik ng Bureau of Immigration (BI) ang travel expenses ng mahigit 32,000 pasahero na hindi naka-biyahe matapos ma-offload sa kanilang mga flights bunsod ng matagal na interrogation ng mga immigration officers.
Dapat nga namang hinahayaang magpunta ang ating mga kababayan sa ibang bansa at ipaubaya ang pagbusisi sa kanilang kakayahang bumiyahe sa mga bansang pupuntahan lalo pa at sinusuri naman ito bago sila bigyan ng visa.
Nakakalungkot naman kasi na habang ang iba ay nag-iipon para lang makabiyahe sa labas ng bansa, eh ganun na lang kadali na masasayang ang mithiin dahil lamang sa salitang offload.
Nasa kabuuang 32,404 Filipino passengers ang naharang at hindi natuloy ang biyahe noong nakaraang taon kung saan 472 sa bilang na ito ay mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Yun nga lang hanggang sa ngayon ay walang matibay na pruweba at pinal na desisyon na makapagsasabing ang mga na-offload na pasahero ay talagang sangkot sa human trafficking.