ISANG klase ng keso ang tinaguriang “most expensive cheese” matapos mag-bid ang isang restaurant sa Spain ng 30,000 euros (katumbas ng P1.8 million) para mapasakanila ito!
Sa loob ng 51 years, isinasagawa na Las Arenas de Cabrales sa Asturias, Spain ang Cabrales Cheese Competition para sa pinakamasarap na Cabrales cheese. Ang mananalo rito ay ipapasubasta sa pinakamataas na buyer.
Sa labinlimang cheese manufacturers na lumahok, ang Los Puertos cheese factory ang nagwagi matapos mapili ng mga hurado ang ginawa nilang keso.
Ang Cabrales cheese na ginawa ng Los Puertos ay handmade mula sa pinaghalong gatas ng baka at kambing. Inimbak nila ito ng 10 buwan sa kuweba ng Los Picos de Europa mountains na 1,500 meters above sea level.
Ang maalinsangan na temperatura sa loob ng kuweba ang dahilan kaya nagkakaroon ito ng blue-green streaks and spots na sinasabing nakapagpapasarap sa Cabrales cheese.
Ayon sa survey, ang Cabrales cheese ang isa sa pinakamabiling keso sa Europe. Nasa 66,226 kilos nito ang naibenta sa buong European Union.