Dear Attorney,
Hindi po ako makakuha ng passport dahil “male” po ang nakalagay sa birth certificate ko gayong babae naman po ako. Paano po ba maitatama ito? —Jenny
Dear Jenny,
Kailangan mong pumunta sa lokal na civil registrar kung saan nakarehistro ang birth certificate mo. Doon ay magsusumite ka ng petition na humihiling na baguhin ang kasariang nakalagay sa birth certificate mo.
Kasama ng petition ay kakailanganin mo ring magpasa ng mga sumusunod:
(1) Dalawa o higit pang mga dokumento kung saan nakasaad ang iyong tamang kasarian, katulad ng school records at baptismal certificate;
(2) NBI/police clearance na nagsasabing walang nakabinbin na kaso o reklamo laban sa iyo;
(3) Paglathala sa pahayagan ng iyong petition ng isang beses kada linggo, ng dalawang magkakasunod na linggo, at affidavit mula sa publisher na nagpapatunay nito; at
(4) Certification mula sa doktor na accredited ng gobyerno na nagsasabing hindi ka sumailalim sa sex change o pagpapalit ng kasarian.
Kaugnay ng huling nabanggit sa listahan, paalala lang na ang prosesong ito ay para lamang sa mga “typographical errors” o iyong mga maling impormasyon na hindi sinasadyang nai-type sa birth certificate.
Hindi ito maari para sa mga nagpa-sex change at gustong iayon ang nakasaad sa kanilang birth certificate sa kung ano ang bago nilang kasarian.