PUMARA ng taxi ang isang babaeng hubo’t hubad. Tiningnan siya ng drayber mula ulo hanggang paa kaya pinandilatan siya ng babae.
“Ngayon ka lang ba nakakita ng hubad na babae?”
“Hindi ko tinitingnan ang katawan mo. Iniisip kong huwag kang pasakayin dahil wala kang pamasahe.”
“At paano mo nalamang wala akong pera?”
“Wala kang bitbit na anumang bag o wallet na puwede mong paglagyan ng iyong pera.”
Tularan ang drayber na nakapokus sa kanyang business at hindi sa mga distractions.
May isang negosyanteng nagtayo ng isang publication. Noong una ay umasenso ito dahil nakapokus ang energy niya sa negosyo. Kaso nakatikim lang ng kaunting pera, yumabang ito at natutong mambabae. Ang magagaling niyang mga writers ay nagsilipatan sa kalabang publication dahil laging atrasado ang suweldo. Ang misis niya na katulong sa pagpapatakbo ay tinamad na ring tulungan ang mister na taksil kaya nagpasya silang ibenta ang kompanya. Naghati sila sa napagbentahan at nagkanya-kanya na ng buhay.
Ganundin ang nangyari sa may-ari ng private school na may dalawang branches. Ilang dekada rin kumita ang eskuwelahang nabanggit dahil magaling mamahala ang misis. Parehong educators ang mag-asawa kaya nakilala ang school na may magandang sistema sa pagtuturo. Pero unti-unting bumagsak ang negosyo. May naging kabit ang mister. Naghiwalay ang mag-asawa at naghati sa school na pamamahalaan. Bago mag-pandemic, ang tatlong school na pag-aari nila ay parehong nagsara.