Editoryal — Nasaan ang malaking isda?
Sa wakas, ipinag-utos na rin ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa puwesto at pagsasampa ng kaso laban kay dating Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) executive Director Lloyd Christopher Lao at Overall Deputy Ombudsman Warren Lex Liong dahil sa maanomalyang pagbili ng bilyong pisong halaga ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong 2020 habang nananalasa ang COVID-19 sa bansa.
Sa 87-pahinang resolusyon, napatunayan ng Ombudsman ang maanomalyang transaksiyon dahilan para sibakin at sampahan ng kaso sina Lao at Liong at iba pang opisyal at empleyado ng PS-DBM. Kasama rin sa sinibak sa puwesto si PS-DBM procurement management officer Paul Jasper de Guzman.
Kinuwestiyon naman ni Sen. Chiz Escudero kung bakit hindi kinasuhan ng plunder si Liong. Binatikos naman ni dating Senador Richard Gordon kung bakit hindi kasama sa kinasuhan si dating presidential adviser Michael Yang, associate nito na si Lin Wei Xiong at asawa nitong si Rose Lin. Si Yang ay presidential adviser ni dating President Rodrigo Duterte.
Ang mga Pharmally officials na kinasuhan ng Ombudsman ay sina President Twinkle Dargani, treasurer and secretary Mohit Dargani, directors Linconn Ong at Justine Garado at board member Huang Tzu Yen.
Ang iba pang PS-DBM officials na kinasuhan ng Ombudsman ay sina director IV Christine Marie Suntay, Procurement Division chief Webster Laurenana, at mga empleyadong sina August Ylagan, Jasonmer Uayan at Krizle Grace Mago.
Ilang buwan na ang nakararaan, ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsuspende sa mga opisyal ng PS-DBM at ngayon nga ay pinal na ang desisyon—sibak na sila at nahaharap sa kaso.
Ang nakapagtataka sa desisyon ng Ombudsman ay kung bakit hindi nakasama ang “malalaking isda” sa kinasuhan. Bakit kung sino ang nakinabang sa pondo ng bayan ay sila pa itong nakalalaya? Bakit hindi magalaw ang taong nagkumpas ng kamay para payagan ang maanomalyang transaksiyon?
Talamak ang katiwaliang pinasok ng PS-DBM officials kasabwat ang baguhang kompanyang Pharmally. Habang ang bansa ay ginigiyagis ng kahirapan dahil sa pananalasa ng COVID-19, ang mga taga-PS-DBM ay nangungulimbat nang walang patawad.
Nahalukay ng Senate Blue Ribbon Committee ang maanomalyang transaksiyon na pinasok ng Pharmally at PS-DBM. Sa imbestigasyon, nakopo ng Pharmally ang P42-bilyon na kontrata sa kabila na ang capital nila ay P625,000 lamang.
Matutuwa ang taumbayan kung may mapaparusahang “malaking isda”. Sana mangyari ito sa hinaharap.
- Latest