SIM Registration Law, epektibo o may depekto?

AYAN na nga, pinabubusisi na ni  Senador Grace Poe kung bakit talamak pa rin ang text scam sa kabila ng umiiral na ang  implementasyon ng SIM Registration Law.

Isang Senate Resolution ang inihain ng senadora kung saan hiniling  nito sa kaukulang komite na imbestigahan ang patuloy na  pagkalat ng text scams.

Talamak din ang mga SIM card na nagagamit sa ilegal na operasyon ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.

Ang nakapagtataka, nagagamit ang mga SIM na ito, ibig sabihin naka-activate, kaya patuloy na nakakasangkapan pa rin sa mga panlilinlang.

Tanong nga ng marami, namomonitor nga kayang lubusan kung tagumpay bang malabanan ng batas sa SIM Registration ang mga scam text at iba pang phone related scams?

Baka naman nagparehistro lang ng SIM ang ating mga kababayan, at hanggang doon lang, at hindi nga malaman kung tagumpay ba sa kanyang layunin ang naturang batas.

Kasi nga sangkaterba pa rin ang lumulusot na mga panloloko gamit ang SIM.

Marapat na mabatid kung may depektibo sa pagpapatupad nito, para maisaayos agad.

Nais din ng senadora na sakali ngang may depektibo sa implementasyon, marapat din umanong ipaliwanag ng implementing agencies, telecommunications companies at law enforcement agencies kung paanong libu-libong SIMs ang naipaparehistro gamit ang mga pekeng pangalan o mga indibuwal na nagbebenta ng kanilang identity.

Kung ganito nga ang nangyayari, mukhang balewala ang batas na ito. Parang nagparehistro lang ng SIM, pero ang layon kung bakit eh wala ring magiging silbi.

Show comments