Ipinahayag noong nakaraang linggo ng Department of Agriculture (DA) na kaya raw tumaas ang presyo ng bigas ay dahil itinatago ng mga ganid na hoarders at buwitreng negosyante. Hindi naman daw dapat magmahal ang presyo ng bigas. Ganunman, sinabi ng DA na gumagawa na raw ng hakbang ang pamahalaan para ma-monitor at mapababa ang presyo ng bigas sa pamilihan. Isang paraan daw para mapababa ang presyo ng bigas ay ang pag-angkat. Kung talagang kailangan daw ay mag-iimport ang bansa para malutas ang problema.
Nasa P56 na ang bawat kilo ng bigas sa mga palengke at umaaray na ang mamamayan. Dati raw ay P35 hanggang P40 ang bawat kilo ng bigas pero nagtaka sila sapagkat biglang tumaas ang presyo. Dati raw, nakakabili sila ng limang kilong bigas pero ngayon ay dalawang kilo na lang. Kulang na ang budget nila.
Ang pagtaas ng presyo ng bigas ay sumabay naman sa pagtaas ng ilang pangunahing bilihin gaya ng isda, karneng baboy at manok. Noong nakaraang linggo, napabalita na magtataas ng presyo ang sardinas.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ang kahilingan ng transport groups sa dagdag na pasahe sa dyipni. Bunga ito ng sunud-sunod na oil-price hike. Sa susunod na linggo ay may nakaamba na namang pagtaas ng gasoline, diesel at kerosene. Kung magpapatuloy pa, ang kawawa ay ang mahihirap na karampot ang kinikita.
Ang pinakamabigat na problema sa lahat ay ang pagmahal ng bigas na dapat ay solusyunan agad ng DA. Una nang pinangako ni President Ferdinand Marcos, tumatayo ring DA secretary na magiging P20 ang kilo ng bigas. Sinabi naman niya sa SONA noong Hulyo 24 na hahabulin ang hoarders at smuggler ng agri products. Nasaan na ang mga pangakong ito?
Kung totoo ang sinabi ng DA na kaya nagmamahal ang bigas ay dahil sa hoarders, bakit hindi dakmain ang mga ito? Sampolan ang mga ganid na hoarders na pumapatay hindi lamang sa ekonomiya kundi pati sa mamamayan.
Hangga’t walang naipakukulong na hoarders at smugglers, hindi magkakaroon ng katuparan ang pangakong magkakaroon ng masaganang pagkain para sa mga Pilipino. Sampolan ang mga hayok na hoarders at smugglers na masahol pa sa mga buwitre.