EDITORYAL - Sino ang mga traidor?
ANG BRP Sierra Madre ay isinadsad sa Ayungin Shoal noong 1999. Mula noon, naging simbolo na ang kalawanging barko ng soberanya ng Pilipinas sa lugar. Hindi nararapat alisin ang barko sapagkat ang lugar na kinaroroonan nito ay sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ang usapin sa Sierra Madre ay umusbong makaraang harangin ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard at dalawang wooden boat na magsasawa ng resupply mission para sa mga sundalong nagbabantay sa Ayungin Shoal noong Agosto 5. Binomba ng tubig ang PCG at isang bangka. Isang bangka lamang ang nagpilit na makarating sa Ayungin at nadalhan ng supply ang mga sundalo roon.
Iginiit ng China na pag-aari ang lugar kaya tama lamang daw ang ginawang pagbomba ng tubig. Isa pa, nangako raw ang Pilipinas noon na aalisin ang Sierra Madre. Hindi raw tumupad ang Pilipinas sa usapan.
Pinabulaanan naman ng Department of Foreign Affairs na walang pinangako ang Pilipinas. Imagination lamang umano ito ng China. Walang binitawang salita ang Pilipinas na may kaugnayan sa Sierra Madre.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naghahanda na sila sa panibagong resupply mission na isasagawa para sa mga sundalong nakahimpil sa Sierra Madre. Kailangang madalhan ng mga pangunahing pangangailangan ang mga sundalo kabilang ang pagkain. Kulang ang naihatid na supply sa mga sundalo dahil sa pagharang ng CCG.
Ayon sa AFP, magsasagawa sila ng resupply mission sa mga susunod na linggo at kapag hinarang muli sila ng CCG, lalaban sila. Ayon kay AFP spokesperson Medel Aguilar sa ginanap na media forum sa Quezon City noong Sabado, mapipilitan silang lumaban kapag inulit ng China ang ginawa noong Agosto 5. Hindi rin umano sila papayag na alisin sa Ayungin ang BRP Sierra Madre. Dagdag pa ni Aguilar, dapat huwag gumawa ng anumang illegal at marahas na aksiyon ang CCG na magdudulot ng panganib sa maraming buhay. Anumang maaaring mangyaring kaguluhan, sila at mga nakatataas sa kanila ang dapat sisihin.
Nakapagtataka naman kung paano nalaman ng CCG na magsasagawa ng resupply mission ang Pilipinas sa mga sundalong nasa Sierra Madre. Mayroong nagtatraidor, kaya nalaman na magdadala ng supply para sa mga sundalo sa Ayungin. Posible ito. Tiyak na may mga naghuhudas.
Minsan nang sinabi ni PCG Spokesman Jay Tarriela sa mamamayan na isuplong ang mga Pilipinong traidor sa bayan dahil ipinagtatanggol ng mga ito sa aggressive action ng China sa West Philippine Sea. Tiyak na may mga traidor at masahol pa kay Hudas. Nararapat mahubaran ng maskara ang mga traidor.
- Latest