ISANG kakaibang sari-sari store sa China ang pinag-usapan ng mga netizens matapos kumalat ang litrato nito sa isang social media website kung saan makikitang nakasabit lamang ito sa gilid ng bangin!
Nag-viral kamakailan sa X (na dating Twitter) ang post ni Science girl tungkol sa isang tindahan na nakasabit sa gilid ng bangin sa Hunan province. Mababasa sa naturang post na ang tindahan na ito ay nagtitinda ng inumin, meryenda at energy drinks para sa mga napapadaan na mountain climbers. Maraming netizens ang namangha sa mga litratong kalakip ng post na ito at umabot na sa 600,000 views.
Sa report ng website na CGTN, nagbukas ang tindahan noong 2018 sa Shiniuzhai National Geological Park sa Pingjuang County. Gawa lamang sa kahoy ang tindahan at nakasabit ito ng may taas na 393 feet.
Maraming netizens ang na-curious kung paano pumapasok ang empleyado sa tindahan at kung paano nire-restock ang mga paninda nito.
Ayon sa mga tagapamahala ng geological park, ang tagapagbantay ng tindahan ay mga professional rock climbers at dinadala ang mga paninda nito gamit ang isang special rope conveyor.