ISANG 11-anyos na batang lalaki sa Oklahoma, U.S. ang nakahuli ng isda na tila may ngipin ng tao.
Nagpapahangin sa kanilang likod-bahay ang misis na si Janna Clinton habang pinanonood ang anak na si Charlie na namimingwit ng isda sa lawa na malapit sa kanilang tahanan.
Napansin niya na may nabingwit ang anak ngunit nagsisigaw ito matapos pagmasdan ang isdang nahuli.
Nang nilapitan ang anak, saka niya naintindihan kung bakit ito sumigaw sa takot. Ang nahuli kasi ng kanyang anak ay isang may ngipin na katulad ng sa tao.
Dahil hindi alam ng mag-ina kung ano ang kanilang gagawin, kinuhanan nila ng litrato ang isda at pagkatapos ay pinakawalan muli ito sa lawa.
Pinost ni Clinton ang litrato ng isda sa kanyang social media account at ikinuwento kung paano ito nahuli ng kanyang anak. Sa tulong ng mga comments sa kanyang post, maraming nagsabi na ang nahuli nila ay isdang tinatawag na “Pacu”.
Ang Pacu ay isang freshwater fish na nagmula sa South America. Ang specie nito ay kamag-anak ng mga Piranha. Ang pagkakaiba nila ay herbivore ang mga Pacu samantalang carnivore naman ang mga Piranha. Bukod dito, hindi aggressive ang mga Pacu at wala pang napapabalita na nangagat sila ng tao.
Matapos na ma-identify ang isda, napag-alaman na isa itong invasive species at hindi dapat pinakawalan muli sa lawa. Dahil sa nalamang ito, nagpursigi araw-araw ang batang si Charlie na mahuli muli ang Pacu.
Sa kasalukuyan, hindi pa muling nagkukrus ang landas ni Charlie at ng Pacu pero kung mahuli niya ito, balak niya itong ilagay sa frame at i-display sa kanilang living room.