ISA sa mga problema ng bansa ngayon ay ang malawakang pagbaha sa Central Luzon na hindi masolusyunan. Hanggang ngayon, lubog pa sa baha ang maraming bayan sa Pampanga at Bulacan. Nagdaan na ang dalawang bagyo—Egay at Falcon, na nagdulot ng ulan at mga pagbaha subalit hanggang ngayon, nananatili pa rin ang baha sa mga nabanggit na bayan.
Apektado rin ng baha ang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa San Simon, Pampanga kaya dusa ang mga motorista. Walang ibang ruta na madaanan kaya mahaba ang pila ng mga sasakyan na inabot ng ilang kilometro.
Nang dumalaw si President Ferdinand Marcos sa San Fernando, Pampanga noong Lunes, maraming plano ang lumutang upang masolusyunan ang baha sa Central Luzon. Kabilang sa plano ang pagpapataas ng NLEX at ang paghuhukay (dredging) sa mga ilog. Ang pagpapataas ng NLEX ang nakikitang paraan at pangmatagalang solusyon. Binanggit din ng Presidente ang impounding system o ang pag-construct ng mga pag-iipunan ng tubig-baha.
Posibleng makatulong ang pagpapataas ng NLEX pero dapat ding tingnan ng pamahalaan ang problema sa plastik na basura na isa sa mga dahilan ng pagbaha. Nakabara ang mga single-use plastic sa waterways kaya nagkakaroon ng pagbaha. Dahil walang madaanan ang tubig, sa kalsada naiistak. Kabilang sa mga nakabara sa daluyan ng tubig ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, toothpaste at iba pang plastic wrappers. Hindi nabubulok ang mga ito kaya forever na maghahatid ng problema sa tao.
Sa sobrang dami ng mga single-use plastic na itinatapon araw-araw, hindi kataka-taka na magkaroon ng problema ang bansa sa mga darating na panahon. Hindi lamang sa kapatagan nakakalat ang mga plastic na basura kundi pati sa karagatan man. Ang mga plastic sachet na itinapon sa kanal at estero ay iluluwa sa Pasig River at saka iluluwa naman sa Manila Bay.
Ang problema sa plastic pollution ay malaking hamon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. Inamin ni Loyzaga na 61,000 metrikong tonelada ng basura ang itinatapon sa Pilipinas kada araw at 24 percent sa mga basurang ito ay plastic. Ayon kay Loyzaga, 160 milyong plastic packets ang nagagamit araw-araw samantalang 40 milyong shopping bags at thin film bags naman ang nagagamit.
Gawin ng DENR ang lahat ng paraan upang makontrol ang plastic pollution. Nakasisira ito ng kalikasan at nagdudulot ng pagbaha gaya nang nararanasan sa Bulacan at Pampanga. Malaki ang kaugnayan ng mga single-use plastic sa mga nararanasang pagbaha na sa kasalukuyan ay hindi agad humuhupa. Malaking problema ang kinakaharap ng bansa dahil sa mga plastik na basura.