Space Week, kailangan ng Pinoy?
Idineklara kamakailan ng pamahalaan ang kauna-unahang Philippine Space Week na gugunitain taun-taon tuwing mula Agosto 8 hanggang Agosto 14 simula ngayong 2023. Hangarin nito na palakasin ang kamulatan ng mga Pilipino hinggil sa Space na sa wikang Filipino ay karaniwang tinatawag na kalawakan at ibayong isulong ang presensiya ng Pilipinas sa larangan ng space science and technology.
Isinagawa ang deklarasyon sa pamamagitan ng Proclamation No. 302 na ipinalabas ng Malacañang at nagsasaad na “Merong pangangailangan na itaguyod ang kamulatan sa kalawakan, ipagdiwang ang mahahalagang ambag ng mga Pilipino sa buong mundo sa larangan ng space science at itaguyod ang value, benefits at impacts ng agham at teknolohiyang pangkalawakan sa buhay ng mga Pilipino.”
Sinasabayan ng Space Week ang paggunita sa batas na Philippine Space Act na pinagtibay noong Agosto 8, 2019 at nagtatatag sa Philippine Space Agency (PhilSA) na itinalagang mangunguna sa mga aktibidad, programa at proyekto kaugnay sa linggo ng kalawakan.
Ipinaliwanag ni PhilSA Director General Joel Joseph S. Marciano Jr. ang kahalagahan ng pagtatag ng sariling space week ng Pilipinas, “Ang space science, technology at mga applications nito ay may malaking papel sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang mga panibagong kaalaman na nakukuha natin mula sa space exploration, ang mga satellites at mga produkto at services na bunga nito ay nagdulot ng maraming benepisyo na inaasahan na nating lahat.
Ang deklarasyon ng Philippine Space Week at ang kalakip na annual celebration ay nagbibigay kahalagahan sa mga space capabilities na binubuo at pinalalakas natin sa ating bansa, kasama ang mga kontribusyon ng mga Pilipino sa lahat ng dako ng space science, technology, innovation, policy and cooperation.”
Sa Philippine Space Week, ipinagdiriwang din ng PhilSA ang ikaapat na anibersaryo nito sa temang ‘#YamangKalawakan tungo sa maunlad na kinabukasan’ na ayon kay Marciano ay patungkol sa space capabilities, resources, and infrastructure, and space as an environment na magagamit para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino. Idinidiin dito ang kahalagahan ng mga oportunidad sa global space economy na magagamit at maaaring mapaunlad ng Pilipinas para sa higit na progreso at kasaganaan.
Gayunman, bukod sa Philippine Space Week, lumalahok din ang Pilipinas sa taunang paggunita ng World Space Week sa pagitan ng Oktubre 4 at Oktubre 10 na unang idineklara ng United Nations noong Disyembre 6, 1999. Taunan itong ipinagdiriwang ng 95 bansa sa buong mundo. Sinasabing isa itong pandaigdigang pagdiriwang ng agham at teknolohiya at ng ambag nula sa kalagayan ng sangkatauhan.
Ang napiling petsa ng World Space Week ay batay sa pagkilala at paggunita sa paglulunsad ng unang satellite na gawa ng tao na pinangalanang Sputnik (Oktubre 4, 1957) at ang paglagda ng mahigit 100 bansa sa isang space treaty o Treaty on Principles Governing the Activities of States in the Exploration and Peaceful Uses of Outer Space, including the Moon and Other Celestial Bodies (Oktubre 10, 1967).
Mahaba pa ang landas na tatahakin ng Pilipinas para makasabay sa mga mauunlad na space program ng ibang mga bansa. Marami pang mga isyu na kailangang harapin, linawin at solusyunan. Pero meron ding pangangailangang maipaliwanag sa mga ordinaryong Pinoy sa simpleng lengguwahang mauunawaan nila ang kahalagahan ng pagsabak ng ating bansa sa mga usaping may kinalaman sa kalawakan at ang epekto nito sa araw-araw nilang pamumuhay.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest