TINAGURIANG “pinakamahal na strawberry sa buong mundo” ang Bijin-Hime, isang Japanese strawberry variety na may perpektong hugis, kulay at lasa!
Ang Bijin-Hime na nangangahulugang “beautiful princess” ay dinibelop ng Japanese farmer na si Mikio Okuda. Si Okuda ay isang eksperto sa pagtatanim ng strawberry at may 45 taon na siyang karanasan sa pagdebelop ng iba’t ibang varieties. Naperpekto niya ang Bijin-Hime sa loob ng 15 taon na pag-eeksperimento sa pag-crossbreed ng iba’t ibang klase ng strawberry.
May bigat ang bawat Bijin-Hime na hindi bababa sa 100 grams at kasing laki nito ang isang tennis ball. Ayon sa mga nakatikim na nito, napakatamis ng lasa nito at may amoy ito na maikukumpara sa bagong bumubukadkad na rosas. Wala itong asim at ang texture nito ay nasa pagitan ng malambot at malutong.
Si Okuda lamang sa buong Japan ang may kakayahan na makapagtanim at makapagpabunga ng Bijin-Hime kaya 500 piraso lamang ang naha-harvest nito taun-taon tuwing winter season.
Dahil dito, in-demand ang mga ito at sinusubasta ang bawat piraso nito sa mga auction. Sa isang subastahan, nabili ang Bijin-Hime sa halagang 50,000 yen (katumbas ng Php20,000) ang isang piraso.
Ayon kay Okuda, hanggang sa kasalukuyan, hindi pa niya napeperpekto ang proseso sa pag-cultivate sa Bijin-Hime at umaasa siya na magagawa na niya ito sa mga susunod na taon.