MAY tatlong lalaking kumatok sa tahanan ng isang mahirap na pamilya. Ang misis ang lumabas upang tingnan kung sino ang kumakatok.
Tatlong lalaking mukhang kagalang-galang ang bumungad sa misis.
“Nariyan ba ang iyong mister?” tanong ng isa.
“Opo, pumasok kayo…” anyaya ng misis.
“Hindi kami puwedeng pumasok nang sabay-sabay. By the way, ako po si Mr. Wealth, ang nagdudulot ng kayamanan; ang katabi ko ay si Mr. Success, nagkakaloob ng tagumpay at ang nasa dulo ay si Mr. Love, ang puwedeng pumuno ng pag-ibig sa inyong tahanan. Pakitanong lang sa asawa mo kung sino ang nais niyang papasukin at kakausapin sa aming tatlo.”
Kinausap ng misis ang asawa at ikinuwento ang tatlong bisita na nais makipag-usap sa kanya. Matagal na nag-isip ang mister kung sino ang dapat niyang kausapin. “A, si Mr. Wealth na lang para yumaman tayo!”
Pero narinig ng anak ang sinabi ng ama. Kanina pa pala ito nakikinig sa pinag-uusapan ng mga magulang. “Itay, si Mr. Love na lang ang papasukin mo para mapuno ng pagmamahalan ang ating tahanan. Para tumigil na rin kayong dalawa sa pag-aaway.”
Medyo napahiya ang mag-asawa sa kanilang anak kaya nakumbinsi na rin ang mag-asawa na si Mr. Love na lang ang papasukin.
Lumabas muli ang misis at sinabi kung sino ang gusto nilang papasukin. Nang pumasok sa bahay si Mr. Love ay sumunod din si Mr. Success at Mr. Wealth. Nagtaka ang mag-anak. Kaya nagpaliwanag si Mr. Love.
“Kung si Mr. Success o si Mr. Wealth ang pinili ninyong maunang pumasok, ang dalawa sa amin ay maiiwan sa labas. Ngunit dahil ako ang pinili ninyo, kailangang pumasok kaming lahat sa tahanan dahil kung saan naroon ang pagmamahalan, naroon din ang tagumpay at kayamanan.”